Balita

Ibasura ang Cha-cha ni Marcos, panawagan ng mga demokratikong organisasyon

,

Nakahanda ang mga demokratikong organisasyon na tutulan ang pakanang baguhin ang konstitusyong 1987 na iniraratsada ngayon sa Kongreso. Tinatayang ipapasa na sa Marso 6 sa pangatlo at huling pagdinig ang House Resolution No. 6, na nagtatawag para sa Constitutional Convention para baguhin ang konstitusyon.

“Sagot ba sa problema ng bansa ang Cha-cha?” tanong ni Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bayan. “Hindi. Lalong lalala pa nga ang krisis sa pagpasok ng mga dayuhang kumpanya, at sa pagpapalawig sa pwesto ng mga naghaharing-uri. Dayuhan at iilan ang makikinabang sa Cha-cha. Sila ang nagpapahirap sa bansa natin.”

Tinawag ng Bayan ang pakana bilang “Marcos cha-cha” dahil itinutulak ito ng kanyang mga alyado sa Kamara. Sa huling ulat, mahigit 200 nang kongresista ang nakasuporta sa resolusyon. “Nakasunod din ito sa patakaran ni Marcos na ibayong ibukas ang ekonomya sa mga dayuhan,” ayon kay Reyes.

Ang itinutulak nitong pagbabago sa mga probisyon sa ekonomya ay lalong magbibigay pabor sa naghaharing uri at magbibigay ng dagdag na mga bentahe sa mga dayuhang monopolyo kapitalista na naglalayong dambungin at samantalahin ang ekonomya ng bansa, ayon sa Bayan. “Kahit palitan ang Constitution, kung mga political dynasties pa rin ang nakaupo, walang magbabago,” anito.

Tutol din ang Alliance of Concerned Teachers sa pakana. “Pahihintulutan ng ChaCha na lalong magtagal sa pwesto, mangurakot, at magpayaman ang mga pulitikong mula sa mga dinastikong angkan o pamilya ng mga panginoong maylupa at mga may-ari ng malalaking korporasyon,” ayon sa grupo. Kaugnay ito sa balak na pagpapalawig sa termino ng mga pambansa at lokal na mga upisyal mula tatlo tungong limang taon at pagpapahintulot sa muling pagtakbo ng nakaupong presidente at bise presidente.

Kinutya ni Reyes sa Marcos sa pagkukunwari nitong “hindi prayorida” ang Cha-cha gayong “kitang kita sa galawan” ng kanyang mga kaalyado sa Kongreso.

Panawagan niya sa mamamayang Pilipino, huwag payagan ang Marcos cha-cha.

AB: Ibasura ang Cha-cha ni Marcos, panawagan ng mga demokratikong organisasyon