Ikalawang serye ng Cope Thunder-24, nakatakdang ilunsad sa Hunyo

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Muling isasagawa ng mga pwersa ng Philippine Air Force (PAF) at US Air Force ang walang katuturang Cope Thunder war games sa Hunyo 17 hanggang Hunyo 28. Inianunsyo ang iskedyul ng ikalawang serye ng Cope Thunder-24 ni Philippine Air Force (PAF) Spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo noong Mayo 22.

Tinatayang 900 tauhan ng PAF at 25 tropa ng US Pacific Air Forces ang makikibahagi sa naturang war games. Ilulunsad ito pangunahin sa Basa Air Base sa Floridablanca, Pampanga at Villamor Air Base sa Pasay City.

Sa isang pahayag, binansagan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang Cope Thunder war games bilang “terorismong panghimpapawid.” Ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido, “dapat kundenahin ng mamamayang Pilipino ang war games na ito dahil itinataguyod nito ang nagpapatuloy na kampanya ng aerial bombing na sumisindak sa daan-daanlibong mamamayan sa nagdaang mga taon.”

Inilunsad noong Abril 8-19 ang unang serye ng Cope Thunder-24 sa teritoryo ng Pilipinas. Ang mga war games na ito ay kadugtong ng pinakamalaking serye ng Balikatan Exercises 39-24 na inilunsad sa bansa noong Abril 22-Mayo 10 na nilahukan ng 11,000 tropang Amerikano at 5,000 tropang Pilipino. Pumasok rin sa bansa ang mga upisyal militar ng 14 pang dayuhang bansa para lumahok at magsilbing tagapagmasid.

Sinabi pa ni Valbuena na ang mga war games na ito ay inilulunsad nang may lantarang pagyurak sa soberanya ng Pilipinas. “Ang presensya ng mga tropa ng US, jet fighters, mga barko at iba pang mga armas ay higit na kumakaladkad sa bansa sa inter-imperyalistang tunggalian ng US at China,” ayon pa kay Valbuena.

Liban dito, perwisyo ang ihahatid ng war games sa masang anakpawis. Noong unang serye nito, nagreklamo ang mga residente ng Cagayan sa sobrang baba ng lipad ng mga jet fighter. Dulot nito, nagkagulo sa mga eskwelahan laluna sa mga daycare at kindergarten at kumaripas ng takbo ang mga bata pauwi sa kanilang mga tahanan. Nabulahaw din ang mga sanggol, naperwisyo ang kabuhayan, at maging ang mga alagang hayop ay natakot at nagambala.

Reklamo ng mga residente, hindi sila inabisuhan nang maaga kung kaya’t may mga natisod sa pagtakbo sa sobrang takot at sa mismong tapat ng mga eskwelahan at barangay hall isinagawa ang mga pagpapakitang-gilas. Kwento ng isang nanay, pinigilan siya ng kanyang 7-anyos na anak na lumabas ng bahay sa takot na mabagsakan ng bomba. Nireklamo din nila ang napakalakas na ugong at masakit sa tengang tunog ng mga jet fighter. “Parang sasabog ang dibdib ko nang tumapat sa amin,” kwento ng isa.

Ayon sa PAF, ang ikalawang serye ng Cope Thunder ay bahagi ng paghahanda ng rehimeng Marcos para sa kauna-unahang partisipasyon sa “Pitch Black” war games ng Australia, sa sulsol ng US, kung saan nakatakdang aktwal na lumahok ang mga sasakyang panghimpapawid ng PAF.

Ang “Pitch Black” war games ay nakatakdang isagawa sa Hulyo 12 hanggang Agosto 2. Gagamitin ng PAF sa war games na ito ang anim na FA-50 fighter jet at magpapalahok ng 125 tropa nito.

Dagdag pang puna ni Valbuena, bilyun-bilyong pondo ng bayan ang gagastusin sa walang katuturang mga pagsasanay na ito. “Mabuti pang gastusin ang pondo para sa pampublikong serbisyo, pagtugon sa mga sinalanta ng tagtuyot sa panahon ng El Niño, suportahan ang mga apektado ng bagyong Aghon, at maghanda sa paparating na La Niña,” ayon sa kanya.

AB: Ikalawang serye ng Cope Thunder-24, nakatakdang ilunsad sa Hunyo