Balita

Ilang senador, tutol sa cha-cha

,

Tatlong senador ang direktang kumontra sa inihapag na resolusyon sa Senado para baguhin ang Konstitusyong 1987. “Hindi kailangan sa ngayon ang charter change (cha-cha)” ayon kina Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III at mga senador na sina Grace Poe at Nancy Binay sa kanilang mga pahayag noong Pebrero 9.

Anila, abala ang mamamayan sa kanilang araw-araw na kabuhayan at dapat unahin ang pagharap sa batayang mga problemang pangkabuhayan tulad ng mataas na implasyon, matataas na gastusin, kawalang trabaho, korapsyon at marami pang iba. Makahihintay ang charter change para sa mga pagbabago sa sistema ng paggubyerno, anila.

Nagtataka sila sa resolusyong inihapag ng isa pang senador na kunwa’y nakatuon sa pagbabago lamang sa mga probisyon sa ekonomya sa pamamagitan ng pagtatayo ng constituent assembly. Iba pa ito sa nakahapag sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na nakatuon pareho sa pagbabago ng mga probisyon sa ekonomya at pulitika (pagpapalawig sa pwesto ng halal na mga upisyal) na ipinapanukalang idaan sa isang constitutent convention o con-con.

“Kung priorities lang naman po ang pag-uusapan, ang usapin ng Charter Change eh medyo lihis sa kumakalam na sikmura – ‘di po kasama ang [constituent assembly] sa ulam ng bawat pamilyang Pilipino,” ayon pa kay Sen. Binay.

Malaon nang tinututulan ng mga kinatawan ng Makabayan sa Mababang Kapunungan ang mga hakbang para baguhin ang reaksyunaryong konstitusyon.

AB: Ilang senador, tutol sa cha-cha