Mga negosyante, kinontra ang Marcos cha-cha
Naglabas ng pinag-isahang pahayag noong Marso 24 ang anim na samahan ng lokal na mga negosyante laban sa charter change na itinutulak ng rehimeng Marcos Jr. Ayon sa kanila, mas mabuting gastusin ni Marcos ang pondong nakatakdang gastusin sa Constitutional convention o Con-con sa mga programang “maka-masa.”
Kabilang sa mga pumirma sa pahayag ang Makati Business Club (MBC), Financial Executives Institute of the Philippines (Finex), Justice Reform Initiative, Filipina CEO Circle, Philippine Women’s Economic Network Inc., at Women Business Council Philippines,
Sa taya ng naturang mga grupo, aabot sa ₱28 bilyon ang kakailanganin para maidaos ang con-con para baguhin ang Konstitusyong 1987. Ito ay alinsunod na rin sa taya ng National Economic and Development Authority na mangangailangan ng ₱14 hanggang ₱28 ang buong pakana.
Kabilang sa pinakamalaking gastos ang bayad sa 300 delegadong ng con-con na makatatanggap ng ₱10,000 kada araw—o hanggang ₱400 milyon para sa 7-buwang pakana.
“Naniniwala kami na mas magagamit ang pondong ito sa agrikultura para agapan ang mataas na implasyon, transportasyon para makapunta sa trabaho at makauwi ang mga Pilipino sa mas maiksing panahon, at para sa kinakailangang serbisyong sosyal kabilang ang pangkalusugan, edukasyon, at panlipunang seguridad,” ayon sa mga negosyante.
Anila, ang sinasabing mga probisyong gustong baguhin ay mayroon nang mga batas, katulad ng Public Service Act, Retail Trade Liberalization Act, Foreign Investment Act, Rice Trade Liberalization Act, at ang pinakahuli, ang pagpapahintulot ng 100% dayuhang pag-aari sa sektor ng renewable energy. Sang-ayon ang mga grupo sa mga neoliberal na patakarang ito. Kabilang din ang mga grupong ito sa mga nagtulak sa makadayuhang RCEP.
Noong 2021, naglabas na rin ng katulad ng pahayag ang naturang mga grupo laban pakanang charter change na itinulak ng rehimeng Duterte sa pamamagitan ng kaalyado nitong si Gloria Arroyo. Noon, tulad ngayon, nangangamba ang malalaking negosyante na magbubunsod ng malaking paglaban ng mamamayan ang charter change dahil sa litaw nitong mga layuning pulitikal. Pangunahin dito ang pagpapalawig sa mga termino ng nakaupong mga upisyal, na anila’y tiyak na magdudulot ng pampulitikang kaguluhan.