Rali kontra chacha, inilunsad ng mga grupong pambansa-demokratiko
Nagprotesta ang mga grupong pambansa-demokratiko sa House of Representatives sa Quezon City noong Enero 22 para batikusin ang isinusulong ng rehimeng Marcos na charter change o “chacha.” Sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), inilunsad ang protesta kasabay ng unang araw ng sesyon ng Kongreso.
Sa pangalawang pagkakataon, tinatangka ng pangkating Marcos ang pagratsada ng charter change. Nagbuhos ito ng malaking pondo para itulak ang isang “people’s initiative” sa layunin na ibigay sa Mababang Kapulungan ang kapangyarihan para madaling baguhin ang konstitusyon. Sinundan ito ng paghahain ng liderato ng Senado sa Resolution of Both Houses No. 6 na naglalayong luwagan ang mga ekonomikong probisyon ng konstitusyong 1987 para bigyang daan ang dayuhang pag-aari o kontrol sa lupa, serbisyong pampubliko, edukasyon, masmidya at pagpapatalastas (advertising).
Ayon sa mga grupo, ang “chacha” na ito ay para sa kapakinabangan ni Marcos, ng kaniyang mga kroni, at ng dayuhan nilang mga amo.
“Malakas na lalabanan hindi lamang ng mga magsasaka kundi ng buong bayan ang tangkang pagpayag sa 100% dayuhang pagmamay-ari ng lupa na posibleng ilusot sa chacha,” pahayag ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Anila, malawakan na nga ang pagpapalayas sa lupa at kawalan ng lupang masasaka ng mga magbubukid, gusto pang ibigay ng rehimen sa dayuhan ang mga kalupaan at likas na yaman ng bansa.
Magdudulot din umano ito ng lalo pang pagbaha ng mga imported na produktong agrikultural na magpapabagsak sa pambansang agrikultura at lalong wawasak sa seguridad sa pagkain na dapat sana’y nakabatay sa sariling kakayahan at kasapatan.
“Ang sigaw ng mamamayan ay…dagdag sahod, libreng pamamahagi ng lupa, pagkontrol sa presyo ng langis at mga batayang bilihin tulad ng bigas, libreng serbisyong pangkalusugan at edukasyon, sapat na ayuda, abot-kayang pabahay at tunay na kalayaan,” pahayag ng Bayan.
Samantala, binuo noong Enero 13 ng 15 iba’t ibang organisasyon sa Quezon City ang isang alyansang lalaban sa pakanang “chacha” ng rehimeng Marcos. Nagtipon sila sa University of the Philippines-Diliman para sa unang asembleya ng Quezon City Movement Against Charter Change (QC March).
Inilunsad nila ito matapos ang paglaganap ng “People’s Initiative” na pinasimulan at pinopondohan ng House of Representatives para sa “chacha.” Nangalap ang naturang “inisyatiba” ng mga pirma sa komunidad, na unang naobserbahan at iniulat ng mga maralitang komunidad sa Quezon City. Pinapipirma umano sila sa petisyon para makatanggap ng ayuda at suporta mula sa gubyerno.