Iligal na shutdown at panggigipit ng Paperland, kinundena ng unyon
Kinundena ng unyon ng mga manggagawa sa Paperland ang iligal na shutdown at panggigipit ng maneydsment sa lider nitong si Renato “Rey” Ayroso. Nagpiket ang mga manggagawa sa harap ng pabrika nito sa Quezon City noong Oktubre 17 para batikusin ang mga tangkang buwagin ang kanilang unyon at mga maniobra para patalsikin si Ayroso. Ang Paperland ay kumpanyang gumagawa ng papel.
“Simula nang ipina-inspect ng unyon ang Paperland sa DOLE noong Mayo dahil sa mga OSH (occupation safety and health) violations nito, sunud-sunod na ang naging pag-atake ng management sa unyon,” pahayag ni Ayroso sa protesta. Iligal siyang isinuspinde nang 21 araw matapos pagbintangang nananabotahe ng rolyo ng papel.
Sinundan ang suspensyon ng pagsasara ng pabrika nang tatlong araw sa pagdadahilang mahina ang order ng papel.
“Dahil dito, 2-3 araw ang naging pasok ng mga unyonista, na nagbaon sa marami sa utang,” ayon kay Ayroso.
Salaysay ni Ayroso, pinagmumura at pinagbantaan siya ng Plant Manager na si Jaime Abrenica noong Setyembre 13. Sa halip na aksyunan ng maneydsment, si Ayroso pa ang inakusahan nitong nagbanta sa kapwa manggagawa. Gumawa pa ng paraan ang maneydsment para ipitin si Ayroso at pinagbantaang tatanggalin siya sa trabaho.
Nagpapirma na ng petisyon ang unyon para patalsikin si Abrenica. Nagsampa na rin ito ng kaso sa National Labor Relations Commission.