ILPS, tinutulan ang pag-extradite ng isang aktibista tungong Colombia

,

Tinutulan ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) ang plano ng gubyerno ng Colombia na i-extradite o iuwi ang akbistang Argentine na si Facundo Morales. Si Morales, dating kasapi ng nabuwag nang Revolutionary Armed Forces of Colombia (FARC), ay inaresto ng mga ahente ng International Criminal Police Organization (Interpol) noong Nobyembre 6 sa Chubut, Argentina kaugnay ng diumano’y kasong kidnapping noong 2009 na isinampa laban sa kanya.

Sa isang pahayag noong Nobyembre 10, nanawagan ang ILPS sa Foreign Ministry ng Argentina na tanggihan ang rekwes ng Colombia at Interpol na i-extradite si Morales. Anito, “hindi gagarantiyahan ng estado ng Colombia na mabibigyan ng patas na paglilitis at irerespeto ang personal na integridad [ni Morales].” Paliwanag ng grupo, patunay dito ang “masasahol na paglabag sa karapatang-tao ng estado sa sarili nitong mamamayan.”

Nagtungo si Morales sa Colombia at sumapi sa FARC noong 2003. Siya ang ikatlo sa pinakaunang mga dayuhan na naging bahagi ng naturang kilusang gerilya.

Mula nang isalong ng mga mandirigma ng FARC ang kanilang mga armas noong 2017 bilang bahagi ng pagpirma nito at ng reaksyunaryong estado ng Columbia sa isang kasunduan sa kapayapaan, tuluy-tuloy ang mga pag-atake at pagpaslang sa dating mga gerilya. Ayon sa ulat ng Al Jazeera noong Enero, mahigit 250 na ang pinaslang na mga dating mga kasapi ng FARC. Dagdag sa mga biktima si Seuxis Hernández, isa sa nangungunang negosyador ng FARC sa usapang pangkapayapaan, na pinaslang ng yunit komando ng Colombia sa teritoryo ng Venezuela noong Mayo 17.

Marami sa mga napagkasunduan sa usapang pangkapayapaan ang hindi naipatutupad hanggang sa kasalukuyan. Kabilang na rito ang pagtiyak sa seguridad ng dating mga gerilya at paglalaan ng sapat na pondo sa proyektong pangkabuhayan para sa kanilang reintegrasyon sa lipunan. Ang pangakong pwesto sa parlamentaryo para sa FARC ay hindi rin ipinatupad.

AB: ILPS, tinutulan ang pag-extradite ng isang aktibista tungong Colombia