Imperyalistang US, nakikialam sa South Korea para panatilihin si Yoon sa pwesto
Sa gitna ng mariing panawagan ng mamamayang Korean para sa pagpapatalsik ng kanilang presidente na si Yoon Suk-yeol, direktang nakikialam ang imperyalismong US para panatilihin siya sa pwesto. Si Yoon ay sunud-sunurang papet ng imperyalismong US laluna sa usapin ng panunulsol ng imperyalistang gera laban sa North Korea, China at sa East Asia sa pangkalahatan.
Nabigo ang unang impeachment complaint laban kay Yoon nang mag-walkout at iboykot ng malaking bloke ng kanyang mga kapartido ang sesyon ng parlamento kung saan pinagbotohan ito noong Disyembre 6. Isinampa ang reklamo matapos ang tangka niyang pagpataw ng batas militar noong Disyembre 3.
Ayon sa balita, tinutulan ng US ang impeachment dahil isa sa mga basehan nito ay ang pagpasok ni Yoon sa trilateral o tatluhang alyansang JAKUS, kasama ang Japan at US. Sinabi ng US hindi dapat “idawit” ang ugnayang panlabas sa kaso ni Yoon, sa kabila ng panawagan ng mamamayang Korean na itigil na ng kanilang estado ang panunulsol nito ng gera sa rehiyon. Mula’t sapul, ipinangako ni Yoon ang kanyang “lubos na katapatan” sa US sa “Bagong Cold War” at niyakap ang “hard line” o mariing paninindigan laban sa North Korea. Nang umupo siya sa pwesto noong 2022, tinawag siyang “visionary leader” ng presidente ng US na si Joe Biden.
Sa ilalim ng pamumuno ni Yoon, lalong humigpit ang kontrol ng US sa ekonomya, pulitika at militar ng South Korea. Dumalas at lumawak ang mga war games na inilunsad hindi na lamang ng US, kundi pati ng Japan at iba pang alyado nito sa kalupaan, kahanginan at karagatan ng bansa. Pinahintulutan ni Yoon ang pagpasok ng submarinong nukleyar ng US sa teritoryo ng bansa, bagay na lalong nagpalaki sa posibilidad ng pagsiklab ng gerang nukleyar sa rehiyon. Ipinasok niya ang bansa sa mga alyansang militar na ikinagalit ng mamamayang Koreano, laluna sa JAKUS. Nananatiling mataas ang galit ng mamamayang Koreano sa imperyalistang Japan, na sa nakaraan ay sumakop sa Korea at gumawa ng karumal-dumal na mga krimen laban sa mamamayan nito.
Pahayag ng partido ni Yoon na nagmamatigas laban sa impeachment: “Ang pananatili ng alyansang South Korea-US at ang trilateral na kooperasyon sa seguridad kasama ang Japan at US ay isang malaki at krusyal na tungkulin.”
Umabot sa mahigit isang milyong katao ang bumuhos sa lansangan para ipanawagan ang pagbibitiw ni Yoon noong Disyembre 6. Nagkasa rin ng walang taning na pangkalahatang welga at pagtigil sa trabaho ang Korean Confederation of Trade Unions, na kumakatawan sa mahigit isang milyong manggagawa. Panata nila, tuluy-tuloy silang magpuprotesta at maghahain ng mga reklamo hanggang mapatalsik sa pwesto si Yoon.