Independyenteng imbestigasyon sa pagkamatay ni Acosta at Jimenez, iginiit
Nanawagan ang Pilgrims for Peace at iba pang mga grupo na magkaroon ng isang impartial o walang kinikilingang imbestigasyon sa pagkamatay nina Ericson Acosta at Joseph Jimenez sa Sitio Makilo, Brgy. Camansi, Kabankalan City, Negros Occidental noong Nobyembre 30, alas-2 ng madaling araw. Hindi sila kumbinsido sa pinalalabas na ulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na napatay ang dalawa sa isang engkwentro.
Si Acosta ay isang konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at kilalang makata. Samantala, si Jimenez ay organisador ng mga magsasaka at kasapi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.
“Ang mga detalye kaugnay ng kanilang pagkamatay ay dapat masusi at impartial na maimbestigahan dahil sa posibleng mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas,” pahayag ng Piligrims for Peace.
Nakapirma sa pahayag na ito sina Most Rev. Gerardo Alminaza, D.D., Bishop, Diocese of San Carlos ng Simbahang Katolika, Most Revd Rhee M. Timbang, Obispo Maximo ng Iglesia Filipina Independiente, Rev. Frank Hernando ng United Church of Christ in the Philippines, si Rev. Ritchie Masegman ng Episcopal Church of the Philippines, Rev. Irma Balaba ng Promotion of Church People’s Response, Deaconess Norma Dollaga ng Kapatiran Simbahan Para sa Bayan. Nakapirma rin dito ang ibang mga organisasyon tulad ng Student Christan Movement Philippines, Act for Peace, Bagong Alyansang Makabayan, Karapatan, Gabriela at National Union of Peoples’ Lawyers.
Ayon sa paunang mga ulat ng September 21 Movement, dinakip nang buhay sina Acosta at Jimenez ng mga tropa ng 47th IB at 94th IB mula sa kanilang tinutuluyang bahay bago pinatay. Para palabasing mayroong engkwentro sa lugar, pinaulanan ng bala ng mga sundalo ang bahay ni Ronald Francisco. Matapos nito, dinampot din si Francisco at kanyang asawa at tatlong mga anak. Dinala sila sa kampo ng militar at hindi pinahihintulutang makausap ang mga kaanak o abugado.
Iniulat din ng mga residente na mayroong mga saksak at sugat dulot ng kutsilyo ang mga bangkay nila Acosta at Jimenez. Posible umanong pinagtatadtad ang dalawa.
Nasa naturang barangay si Acosta para makipagkonsultahan sa kasalukuyang kalagayan ng mga magsasaka at manggagawang bukid ng Kabankalan. Bahagi ito ng kanyang trabaho bilang konsultant para sa Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER), isang dokumentong bahagi ng negosasyong pangkapayapaan ng NDFP at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas.
“Kaugnay ng impormasyong ito, tulad ng marami pang kaso sa nakaraan ng gawa-gawang mga kwento para pagtakpan ang mga kaso ng walang pakundanang pagpatay [ng AFP], nananawagan ang Pilgrims for Peace sa implementasyon ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL),” deklarasyon ng Pilgrims for Peace.
Nananawagan din sila sa Commission on Human Rights (CHR) na magsagawa ng imbestigasyon. Giit nila, dapat umanong mapanagot ang AFP sa krimeng ito kung mapatutunayang mayroong mga paglabag sa karapatang-tao. Binansagan din nila ito bilang bahagi ng “take no prisoner” na kampanya ng gubyerno laban sa PKP at BHB.
Ayon sa espesyal na ulat ng Ang Bayan noong Oktubre, hindi bababa sa 100 ang bilang ng mga biktima ng katulad na pamamaraan ng pagpaslang kina Acosta at Jimenez. Labag ang mga ito sa internasyunal na makataong batas at Geneva Conventions at mga protokol nito.
Samantala, naglunsad ng protesta ang mga demokratikong grupo noong gabi ng Nobyembre 30 sa upisina ng CHR sa Quezon City para manawagan ng hustisya at ng pagpapanagot sa mga may sala sa pagpatay sa dalawa.