Balita

Iniluluklok na tuta ni Duterte, tinututulan ng kooperatiba sa Benguet

, ,

Tinutulan ng mga upisyal ng Benguet Electric Cooperative (Beneco) ang sapilitang pagluluklok ng National Electrification Authority (NEA) sa tuta ng Malacañang bilang pangkalahatang manedyer para makontrol ang kooperatiba.

Binabatikos ng mga empleyado ng Beneco ang pagtatalaga ng NEA kay Ana Marie Rafael, isang upisyal sa Presidential Communications Operations Office. Kahapon nang madaling araw ay sinugod at pinasok ng mga ahente ng Philippine National Police-Cordillera at National Bureau of Investigation (NBI) ang Beneco upang maagaw ni Rafael ang operasyon ng kooperatiba. Isinagawa ito habang abala ang mga tauhan ng kooperatiba sa pag-aayos ng mga naging problema sa kuryente dulot ng bagyong Maring.

Noong Oktubre 18, nagprotesta ang mga empleyado ng Beneco at mga kasapi ng Beneco Labor Union sa Malcolm Square sa Baguio City para ipanawagan ang kagyat na pag-aalis kay Rafael. Dumalo at nakiisa rin ang mga kabataan.

Ayon sa mga empleyado ng kooperatiba, iligal ang ginawang pagluklok kay Rafael dahil hindi siya kwalipikado. Wala rin umanong problema ang Beneco kaya’t hindi ito dapat sinaklaw ng NEA. Nais ng mga kasapi ng Beneco na maluklok ang lehitimo at upisyal na pangkalahatang manedyer na kanilang hinirang na si Engineer Melchor Licoben.

Mula pa Mayo nagbanta ng pang-aagaw ang NEA. Nakakuha noon ang mga kinatawan ng Beneco ng temporary restraining order mula sa Baguio City Regional Trial Court para pigilan ang NEA. Noong Agosto, nagtangka ang kampo ni Rafael na pasukin ang Beneco. Hinarang siya ng barikada ng mga manggagawa ng kooperatiba.

Nangangamba ang mga empleyado ng kooperatiba na bababa ang kalidad ng serbisyo ngayong nakapailalim ito kay Rafael. Anila, posibleng magiging negosyo lamang ng mga pulitiko ang kooperatiba.

Nagpahayag ng suporta ang grupong Tongtongan ti Umili-Cordillera People’s Alliance sa paglaban ng mga manggagawa ng Beneco. Naglabas na rin ng pahayag ang alkalde ng Baguio City na kumwestyon sa iligal na panghihimasok ng NEA sa kooperatiba.

AB: Iniluluklok na tuta ni Duterte, tinututulan ng kooperatiba sa Benguet