ITODEx war games sa Panay, binatikos ng mga progresibong grupo
Binatikos ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Panay at mga organisasyon sa ilalim nito ang inilunsad na Inter-Agency Territorial Defense Operations Exercise (ITDOEx) Pag-ugyon 2026 war games sa Iloilo noong Hunyo 16-17. Ang naturang war games ay bahagi ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept (CADC) ng Armed Forces of the Philippines na nakabalangkas sa “archipelagic defense strategy” ng imperyalismong US kontra karibal na China.
Pinanguanahan ang ITDOEx Pag-ugyon 2026 ng 301st IBde at nilahukan ng lokal na gubyerno ng Iloilo at iba’t ibang sibilyang ahensya. Tinatayang mahigit 1,000 inidbiwal ang lumahok sa mga aktibidad. Pinahintulutan ang war games ng lokal na gubyerno sa inilabas na Executive Order 2025-111 (An Order Instituting the Provincial Community Defense Action for MoRProGRes Iloilo – Kapayapaan, Kaayusan at Katatagan Tungo sa Kaunlaran ng Bagong Pilipinas) ni Gov. Governor Arthur Defensor Jr.
Ang ITDOEx war games ay tinatabingan ng katawagang “pagtutulungang militar-sibilyan” sa panahon ng matinding krisis at sakuna. Paghahanda umano ito sa pagtugon sa mga panlabas na banta kabilang ang pagsalakay sa baybayin, kontra-impiltrasyon at pag-atakeng misayl, at mga kumplikadong sakuna at krisis.
Nagkaroon ng tatlong mayor na senaryo at aktibidad ang ITDOEx na isinagawa sa mga baybaying bayan ng Miag-ao at San Joaquin. Noong Hunyo 16, isinagawa ang pagsasanay sa pangangasiwa sa “civilian spillover” sa mga barangay ng Sapa at Kirayan Norte sa Miag-ao. Sa hapon ng araw na iyon, isang “missile attack response” ang sinanay sa Barangay Igtuba. Noong Hunyo 17, sinanay ang isang “simulated coastal defense” at kontra impiltrasyong mga operasyon sa mga barangay Igcondao at Cata-an sa San Joaquin.
“Para sa Bayan-Panay at lahat ng Panayanong nagmamahal sa kalayaan, ang mga war simulation na ito ay naghahanda sa bansa para sa isang mapangwasak na gerang idinisenyo ng ating neokolonyal na mananakop, ang US, sa layuning ikahon ang pag-angat ng China,” pahayag ng Bayan-Panay. Dagdag ng grupo, sinasamantala ng imperyalismong US ang karapatan ng Pilipinas na maggiit sa West Philippine Sea para palakasin ang kontrol sa ating teritoryo, hawakan ang mga ruta sa karagatan, at pagsamantalahan ang ating likas na yaman.
“Sa paglulunsad ng mga war simulation, ang isla ng Panay at ang Pilipinas sa pangkabuuan ay nasasapanganib na makaladkad sa isang imperyalistang sigalot kung saan ang ordinaryong mamamayan ang maiipit sa gitna at mapipinsala,” anito. Ayon pa sa grupo, kinukundisyon ng war games ang isip ng mga Pilipino na ang tanging paraan ng pagtatangol sa mga karapatan ng bansa sa West Philippine Sea ay sa paglahok sa gerang inuudyukan ng US kontra China.
Apektado rin ng ITDOEx war games ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa isla. Ayon sa Paghugpong sang mga Mangunguma sa Panay kag Guimaras (Pamanggas), nadiskaril ng war games ang paghahanapbuhay ng mga magsasaka sa kabukiran at pagpalaot ng mga mangingisda laluna at nagpatupad ng “no sail zone” sa ilang erya.
Anang grupo, hindi lamang isinasapanganib ng rehimeng US-Marcos ang masang Panayanon, kundi tahasang pinagkakaitan sila ng maayos na kabuhayan. Naglulustay umano ng pondo ng bayan ang rehimen para sa mga war games sa gitna ng kagutuman, kahirapan at matinding krisis sa ekonomya sa bansa.
Kinundena rin ng mga grupo ng kabataan at estudyante sa Panay ang ITDOEx. Naglabas ng isang nagkakaisang pahayag na tumutuligsa sa aktibidad ang 12 alyansa at organisasyon. Partikular nilang binatikos ang paggamit ng AFP sa Iloilo Science and Technology University-Miagao bilang lapagan ng helikopter at sentro ng ebakwasyon para sa war simulation. Ayon sa mga estudyante, malubhang paglabag ang panghihimasok sa unibersidad sa International Humanitarian Law (Rules 22-24) at Article X ng Republic Act 7610 na nagmamandatong hindi dapat gawing pasilidad militar ang mga eskwelahan.
Sa huli, nanawagan ang Bayan-Panay at mga progresibong organisasyon na itakwil ng sambayanan ang ITDOEx at ipagtanggol ang pambansang soberanya ng Pilipinas sa paggigiit na ibasura ang hindi pantay na mga kasunduang militar, palayasin ang tropang Amerikano, at buwagin ang mga base militar ng US sa bansa.