Kaanak ng bilanggong pulitikal sa Quezon, umapela sa korte
Naghain ng apela ang National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) at ama ng bilanggong pulitikal na tagapagtanggol ng karapatang-tao na si Alex Pacalda sa Court of Appeals sa Maynila noong Enero 10. Layunin ng apela na muling buksan ang kaso at baligtarin ang hatol na maysala sa kasong illegal possession of firearms and explosives. Iginiit ni Pacalda na gawa-gawa ang mga kasong ito.
Inilabas ng Lucena City Regional Trial Court Branch 56 ang naturang hatol noong Marso 15, 2023. Pinatawan si Pacalda ng 10 taon na pagkakakulong para sa illegal possession of firearms, habang reclusion perpetua o habambuhay na pagkapiit sa diumanong paglabag niya sa batas sa mga eksplosibo. Ang desisyon ay inilabas ni Judge Salvador Villarosa Jr, na itinalaga ng dating pangulong Rodrigo Duterte.
Inaresto si Pacalda noong Setyembre 14, 2019 sa Barangay Magsaysay, Gen. Luna, Quezon ng mga pwersa ng 201st IBde. Nasa konsultasyon si Pacalda sa masang magsasakang biktima ng militarisasyon nang dakpin siya.
Matapos ang iliga na pag-aresto, ipinailalim si Pacalda sa mental at pisikal na tortyur. Hindi siya pinakain at pinatulog nang halos 30 oras para pwersahin siyang “umamin” na myembro siya ng Bagong Hukbong Bayan. Pinilit siyang papirmahin sa isang “dokumento ng pagsuko.” Ginipit din ng militar ang kanyang pamilya at pinapirma ng kung anu-anong dokumento bilang “patunay.”
Kasamang ng ama ni Pacalada sa paghain ng petisyon ang mga kaibigan at tagasuporta ni Alex at ang grupong Free Alex Pacalda Network. Ayon sa grupo, ang paghahain ng apela ay hindi lamang paghamon sa desisyon ng korte sa Lucena City kundi pagharap nila sa mas malaking sistemang paulit-ulit na nagsasantabi sa maliliit na mamamayan at ginagamit na instrumento para sa pampulitikang panunupil.
“Naniniwala kaming ang laban para sa kalayaan ni Alex Pacalda ay hindi mahihiwalay sa mas malaking pakikibaka para sa karapatang-tao, dignidad ng mga inaapi,” ayon pa sa kanila. Hinimok nila ang lahat ng mga tagapamandila ng hustisya at nagtataguyod sa karapatang-tao na makiisa sa mahalagang laban na ito.