Tulungan at ipagtanggol ang mamamayan ng Quezon laban sa pandarahas ng AFP
Nananawagan ang NDFP-ST sa lahat ng mapagkawanggawang institusyon, tunay na lingkod bayan, taong simbahan at internasyunal na makataong organisasyon na tulungan ang mamamayan ng Quezon laban sa atrosidad ng 85th IBPA, 201st Brigade at Southern Luzon Command. Nangangailangan ng mga ayuda at tulong psycho-social ang mga biktima.
Ayon sa ulat ng Apolonio Mendoza Command (AMC)-NPA Quezon, nagkaroon ng labanan sa pagitan ng isa nilang yunit at ng 85th IBPA sa Brgy. Pansoy, San Andres noong Nobyembre 27 at sa Brgy. Huyon-uyon noong Nobyembre 29. Hanggang ngayon, pinipigilan ng mga pasista na makapasok ang mga grupong tagapagtanggol ng karapatang tao, mapagkawanggawang institusyon at midya na nagnanais mag-alam sa kalagayan at magbigay ng tulong sa mamamayan sa lugar. Kasabay nito, nagpapakalat ang mga pasista ng pekeng balita sa social media at midya upang takutin ang mamamayan at bigyang katwiran ang pandarahas sa lugar.
Nararapat malaman ng mamamayang Pilipino ang tunay na kalagayan sa Quezon. May mga ulat ng mga kaso ng paglabag sa karapatang tao sa lugar kung saan walang pagsasaalang-alang na idinadamay ng mga berdugo ang mga sibilyan sa proseso ng pursuit operations. Naitala naman ang may 40 mamamayang lumikas sa dalawang barangay dahil sa takot.
Dapat tiyakin ang paggalang sa karapatang tao ng mga sibilyan at mga pwersang direktang kalahok sa armadong tunggalian sang-ayon sa International Humanitarian Law. May pananagutan ang ilehitimong rehimeng Marcos-Duterte sa mga paglabag na ito alinsunod sa kasunduang Comprehensive Agreeement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law sa pagitan ng GRP at NDFP at maging sa reaksyunaryong batas ng GRP. Nararapat na imbestigahan ito ng Commission on Human Rights at iba pang mga institusyong makatao. Dapat obligahin ang mersenaryong AFP na alisin ang mga restriksyon at papasukin ang mga makataong organisasyon na nais magdala ng tulong sa mamamayan.###