Konstruksyon ng Kaliwa Dam, iraratsada ngayong Pasko?

Pilit inilulusot ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang pagtutuloy sa konstruksyon ng New Centennial Water Source-Kaliwa Dam Project. Ayon sa pahayag ng adminstrador ng MWSS na si Leonor Cleofas noong Disyembre 12, “kumpleto” na ang lahat ng permit ng proyekto dahil “pinirmahan” na ito ng mga katutubong komunidad sa Rizal at Quezon. Kinumpirma ito ng pinuno ng MWSS na si Elpidio Vega na nagsabing “nailabas na ang lahat ng mga kinakailangang permit” ng proyekto.

Ayon pa kay Vega, nasa lugar na ang tunnel boring machine ng kumpanya at maaari na diumanong simulan ang mga pagbutas sa bundok patungong General Nakar sa susunod na linggo. Saklaw ng proyekto ang 290-ektaryang kagubatang watershed at kanugnog nitong mga lupaing ninuno ng katutubong Dumagat-Remontado sa General Nakar, Quezon at Tanay.

Itutuloy ang konstruksyon ng proyekto sa kabila ng mariing pagtutol dito ng mga komunidad ng Dumagat-Remontado, grupong tagapagtanggol ng kalikasan, taong simbahan, at marami pang iba. Noong nakaraang taon, kinundena ng mga katutubo ang pagratsada ng MWSS, kakutsaba ang National Commission on Indigenous Peoples at ang militar at pulis, sa pagkuha ng “free, prior and informed consent” (FPIC) ng kanilang mga komunidad.

Ayon sa MWSS, noon pang Enero ibinigay ng mga katutubo sa Quezon ang kanilang FPIC habang ang mga taga-Rizal ay pumirma sa kasunduan noong Disyembre 2021. Nagbigay din diumano ang Department of Environment and Natural Resources ng espesyal na permit noong Pebrero.

Gayunpaman, sa isang pagdinig sa Senado noong Oktubre, sinabi ng undersecretary ng DENR na “suspendido” ang Environmental Compliance Certificate o ECC ng proyekto dahil hindi pa tapos ang “zoning” ng pagtatayuan nito ng isang protektadong lugar. Sinabi rin ng DENR na hindi pa nagbibigay ng FPIC ang mga Dumagat-Remontado, taliwas sa sinasabi ng MWSS. Katunayan, inianunsyo noon ng Senado na “on hold” o di muna matutuloy ang proyekto.

Nitong Disyembre 13, umabot na sa 349,064 na organisasyon, institusyon at indibidwal ang pumirma sa isang petisyon laban sa pagtatayo ng dam. Sinimulan ang petisyon noong 2018, sa panahon ng rehimeng US-Duterte.

AB: Konstruksyon ng Kaliwa Dam, iraratsada ngayong Pasko?