Kaanak ng pinaslang na Mangyan-Hanunuo, nagsampa ng kaso laban sa militar
Nagsampa ng kaso sa Ombudsman noong Nobyembre 28 ang pamilya ng Mangyan-Hanunuo na si Jay-el Maligday laban sa 4th IB, 203rd IBde, at 2nd ID ng Philippine Army kaugnay sa pagpaslang ng mga ito kay Maligday noong Abril 7 sa Bulalacao, Oriental Mindoro. Pinalalabas ng militar na isang Pulang mandirigma si Maligday na napatay sa engkwentro, bagay na pinasusubalian ng pamilya.
Ayon sa Justice for Jay-El Maligday Network, naghain sila ng reklamo sa Ombudsman dahil sa paglabag ng mga sundalo sa internasyunal na makataong batas (IHL) nang pinaslang ang sibilyang si Maligday. Si Jay-el ay 21-taong gulang na mag-aaral sa kursong Bachelor of Science in Education sa Grace Mission College, isang aktibong lider-estudyante at myembro ng simbahan mula sa bayan ng Bulalacao.
“Hindi namin malilimutan kung paano binulabog ng militar ang aming tahanan at sapilitan kaming inutusan lumabas ng bahay. Ilang sandali pa ay narinig na namin ang mga putok ng baril kahit nasa loob pa ng bahay ang kapatid namin,” pahayag ni Louiejie Maligday, kapatid ng biktima.
Anang network, isa lamang ang kaso ni Jay-el sa napakarami nang mga paglabag sa karapatang-tao sa kanilang lugar dulot ng matinding militarisasyon sa isla ng Mindoro, at pananakot sa mga komunidad ng mga Mangyan. Pinakamatitinding krimen ng AFP sa isla ang mga kaso ng pagpaslang, aerial bombing, pag-aresto at pagdukot na nagdudulot ng labis-labis na takot at troma sa mga komunidad.
Naglunsad ng protesta ang network sa tapat ng upisina ng Ombudsman kasabay ng paghahain nila ng reklamo. Nakiisa sa protesta ang Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas.
Pahayag ni Funa-ay Claver, tagapagsalita ng grupo, “ang mga militar ay kasabwat ng gubyerno at mga korporasyon sa pang-aagaw ng lupa ng mga katutubo upang bigyang-daan ang mga mapaminsalang proyekto tulad ng mga minahan at dam. Para sa estado, collateral damage lang kaming mga katutubo para sa kanilang layuning pang-ganansya!”
Sa bayan ng Bulalacao lamang, maraming mga operasyong mina at proyektong pang-enerhiya ang nanghihimasok sa lupang ninuno ng mga Mangyan. Kinasasangkutan ito ng mga kumpanyang David M. Consunji Inc. (DMCI), Pitkin Petroleum Limited, CleanTech Global Renewables, at The Blue Circle. Anang grupo, may pananagutan ang mga kumpanyang ito sa patung-patong na mga krimen at paglabag sa karapatang-tao ng mga pwersa ng estado laban sa mga komunidad sa Mindoro.
“Magpapatuloy kaming mga katutubo na protektahan ang ating kalikasan, ipagtanggol ang ating mga karapatan sa lupa at sa sariling pagpapasya. Patuloy tayong maniningil ng hustisya, hindi lang para kay Jay-el Maligday, ngunit para sa lahat ng biktima ng pamamaslang ng estado. Ang hustisya para kay Jay-el Maligday ay hustisya para sa lahat ng katutubong pinaslang ng berdugong militar,” ayon kay Claver.