Kabataang Pilipino, nagprotesta sa CHED sa kaarawan ni Rizal

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagmartsa patungo sa upisina ng Commission on Higher Education (CHED) sa Quezon City ang mga grupo ng estudyante at kabataan noong Hunyo 19, araw ng kapanganakan ni Dr. Jose Rizal. Dumalo sa kilos-protesta ang mga estudyante mula sa iba’t ibang pampubliko at pribadong pamantasan sa Metro Manila.

Binatikos nila ang CHED sa kawalang kibo nito sa laganap na panggigipit at pagpapatahimik sa mga estudyante lalo sa kanilang karapatan na malayang mag-organisa, magpahayag, manamit at magsalita sa loob ng mga unibersidad.

“Bilang myembro ng National Task Forc-Elcac, [pinatutunayan ni] CHED Chair Popoy De Vera na bahagi ang CHED sa utos ni Marcos Jr sa pag-atake sa mga estudyante na kritikal sa krisis sa edukasyon,” pahayag ng Kabataan Partylist.

Binalak ng kabataan na maghain ng pormal na ulat kaugnay ng mga kaso ng paglabag sa kanilang karapatan subalit hindi sila pinapasok sa ahensya sa pagdadahilang walang upisyal na maaaring tumanggap nito.

Samantala, hinamon ng Kabataan Partylist ang mga kabataan na makiisa sa laban ng mamamayang Pilipino para sa kanilang mga karapatan. “Mula sa halimbawa ni Gat Jose Rizal, ang tunay na pag-aaral ay matatagpuan sa pagsanib ng kabataan sa realidad ng kapwa inaaping Pilipino,” dagdag ng partido ng kabataan.

AB: Kabataang Pilipino, nagprotesta sa CHED sa kaarawan ni Rizal