Balita

Kandidato pagkasenador at mga partido ng Makabayan, inendorso ng 1Sambayan

Naglabas ang koalisyong 1Sambayan ng listahan ng mga kandidato pagkasenador at mga party-list na susuportahan at ikakampanya nito para sa darating na halalang mid-term. Kabilang dito ang isang kandidato pagkasenador at tatlong partido sa ilalim ng progresibong pampulitikang koalisyon na Makabayan. Ang koalisyong 1Sambayan ay pinangungunahan ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio.

Kasama sa walong inendorsong kandidato pagkasenador si ACT Teachers Rep. France Castro mula sa Makabayan. Suportado rin nito ang pitong party-list kabilang ang ACT Teachers, Kabataan, at Bayan Muna ng Makabayan.

Ayon sa Bayan Muna, sang karangalan ang pagkilalang ito at makatitiyak ang 1Sambayan na buong tapang at lakas na isusulong ng partido ang interes ng mamamayan, hindi ng iilan at higit lalo ang dayuhan. “Ang pag-endorso ay patunay ng ating magkaisang hangaring panagutin ang mga naglulustay sa pondo ng taumbayan, pagsulong ng tapat at makabayang pamumuno, at paglaban para sa kagyat na ginhawa ng mamamayan,” pahayag ng partido.

Unang nominado ng Bayan Muna si Atty. Neri Colmenares na mahigpit na sinuportahan ng 1Sambayan noong eleksyong 2022 sa kanyang kandidatura sa pagkasenador.

Nagpasalamat rin ang Kabataan Party-list sa pag-endorso ng koalisyon sa kanilang partido. Ang unang nominado ng partido na si Atty. Rene Co ay kabilang sa mga naging tagapagtipon ng 1Sambayan at pangunahing lider ng 1Sambayan Youth. “Tuloy-tuloy ang laban natin para sa edukasyon, trabaho, serbisyo at karapatan!” anang partido.

Mayroong kabuuang 11 kandidato pagkasenador ang Makabayan habang apat na partido sa ilalim nito ang tatakbo para sa party-list.

Ang 1Sambayan ay binuo noong 2021 sa layuning buklurin ang boses ng oposisyon laban sa pangkating Duterte at Marcos noong eleksyong 2022. Nagsilbi itong isa sa pangunahing makinarya sa kandidatura nina Leni Robredo at Kiko Pangilinan.

AB: Kandidato pagkasenador at mga partido ng Makabayan, inendorso ng 1Sambayan