Balita

Kasinungalingan ng NSC laban sa usapang pangkapayapaan, binatikos ng CNL

, ,

Binatikos ng Christians for National Liberation (CNL) ang pahayag ni Jonathan Malaya, tagapagsalita ng National Security Council (NSC) kaugnay sa hindi pagiging “sinsero” ng rebolusyonaryong kilusan sa usapang pangkapayapaan.

“Ang paghingi [ni Malaya] ng patotoo sa sinseridad ng rebolusyonaryong kilusang ay walang iba kundi pagtatangka na itago ang sariling masamang mga intensyon ng GRP (Gubyerno ng Republika ng Pilipas),” pahayag ng CNL, isa sa 18 grupong bumubuo ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Ang pahayag ni Malaya ay alinsunod sa naunang pahayag ng hepe ng NSC na si General Eduardo Año na nagsabi noong Agosto na hindi niya nakikitang matutuloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP. Ilang linggo matapos ang pahayag, sinalungat ito ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity.

“Hindi ba’t ang hepe ng Armed Forces of the Philippines na si Romeo Brawner Jr ang mismong nagsabi na hindi nila ititigil ang kanilang mga operasyong militar sa kabila ng pagpirma sa Oslo Joint Statement noong Nobyembre 2023?” tanong ng CNL.

“Dapat nang tigilan ng GRP ang panlilinlang at pagiging ipokrito, at [sa halip] ay pumasok sa isang tapat at prinsipyadong usapang pangkapayapaan na nakapokus sa pundamental na mga isyu na nagtutulak sa tunggalian sa maraming dekada,” pahayag pa ng CNL. Idiniin ng rebolusyonaryong mga Kristyano na sa ganitong paraan lamang makasusulong tungo sa isang tunay at matagalang kapayapaan na nakabatay sa hustisya at hindi sa pagpapasuko.

Naniniwala ang CNL na ang batayang pundasyon ng isang negosasyon ay patas na itinuturing ang dalawang partido, na kabaligtaran sa pahayag ni Malaya. “Gusto niyang magbaba ng armas ang rebolusyonaryong kilusan habang patuloy ang pambobomba ng GRP sa mga komunidad ng mga magsasaka at paglabag sa internasyunal na makataong batas,” anang grupo.

Malinaw na paraan lamang ito ni Malaya at ng GRP para iwasan at hindi mapag-usapan ang mahahalagang usapin sa negosasyon: panlipunang inhustisya, kawalan ng lupa, malawakang kawalan ng trabaho at sistemating pang-aapi sa mahihirap.

“Ipinaaalala sa atin ng Salita ng Diyos ang mga panganib ng kasinungalingan at kabulaanan…inuulit lamang ni Malaya ang kagustuhan ng gubyerno na pasukuin ang rebolusyonaryong kilusan,” dagdag ng CNL. “Ang kahingian [ng GRP] para sa pagsuko ay hindi negosasyong pangkapayapaan. Ang mga ito ay kahingian ng mga mang-aapi na nais wakasan ang lehitimong paglaban at pakikibaka.”

AB: Kasinungalingan ng NSC laban sa usapang pangkapayapaan, binatikos ng CNL