Kaso laban sa mga lider-transportasyon at lider-maralita, ibinasura
Ibinasura ng korte sa Quezon City ang kasong isinampa ng Philippine National Police laban sa mga lider ng transportasyon at maralita kahapon, Disyembre 4. Ayon sa korte, walang sapat na dahilan para kasuhan sina Mody Floranda at Ruben Baylon ng PISTON, Mimi Doringo ng Kadamay at Mar Valbuena at Regie Manlapig ng Manibela ng paglabag sa batasan Pambansa 880 o “No Permit No Rally” sa paglulunsad nila ng welga noong Agosto 14. Kinansela na rin ang arraignment o pagharap ng mga akusado sa korte na nakatakda ngayong araw, Disyembre 5.
“Naipabatid sa atin ang tagumpay na ito sa parehong araw kung saan mahigit 70 kinatawan, kabilang ang ating Pambansang Pangulo Mody Floranda, ng iba’t ibang organisasyon ang nagsampa ng impeachment complaint kay Sara Duterte,” pahayag ng Piston.
Isinabatas ang BP880 ng ama ng kasalukuyang presidente na si Ferdinand Marcos Sr para supilin ang noo’y mga paglaban sa kanyang diktadura.