Kaso laban sa pari at konsultant sa usapang pangkapayapaan sa Ozamiz City, ibinasura ng korte matapos ang 7 taon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Matapos ang pitong taon, ibinasura ng Regional Trial Court (RTC) sa Ozamis City ang mga kasong illegal possession of explosives laban kina Bishop Carlo Adlaw Morales at Rommel Salinas noong Hulyo 2. Si Bishop Morales ay pari ng Iglesia Filipina Independiente (IFI) habang si Salinas ay isang konsultant ng National Democratic Front sa usapang pangkapayapaan.

Ayon sa desisyon ng korte, hindi napatunayan ng nagkaso na maysala ang dalawa “beyond reasonable doubt.” Walang naibigay na ebidensya ang mga pulis para patunayang may hawak na baril o eksplosibo ang mga isinakdal.

Ikinagalak ng mga kaanak, kaibigan at ng mga abugado ng dalawa ang pagbasura ng kaso.

“Masaya kami sa pagwawalang-sala, kahit pa inabot ng pitong mahahabang taon bago umandar ang gulong ng hustisya,” ayon kay Atty. Virgilio Ponciano T. Ocaya ng Union of Peoples’s Lawyers in Mindanao na tumulong sa kaso ng dalawa.

Inaresto sina Salinas at Morales noong Mayo 11, 2017 habang bumibyahe sa Ozamis City. Kasama nilang inaresto noon ang asawa ni Morales na si Maria Teofila at ang drayber ng sasakyan na si Isadome Dalid. Kagyat ring pinalaya ang dalawa. Kabi-kabila noon ang pagkundena sa pag-aresto kay Morales sa hanay ng taong-simbahan sa loob at labas ng bansa. Noong Marso 2018, pinayagan siyang magpyansa. Panawagan ngayon ng mga demokratikong sektor ang kagyat na pagpapalaya kay Salinas, na nananatiling nakapiit hanggang ngayon.

“Habang patunay ang desisyon sa kawalang-sala ng aming mga kliyente, marami pa ang dapat gawin dahil marami pang mga inosenteng tao na biktima ng mga pulitikal na panggigipit ang nananatiling nakakulong at nahaharap sa mga gawa-gawang kasong katulad sa mga kasong naibasura na,” aniya.

Patuloy rin ang panggigipit at Red-tagging sa mga myembro ng IFI. Nitong nakaraan lamang, naging target ng panggigipit si IFI Bishop Felixberto Calang ng Cagayan de Oro at isa pang obispo, si Bishop Antonio Ablon, ang napilitang magdistyero dahil dito. Nakakulong naman hanggang ngayon ang IFI worker na si Adeem Yanez sa gawa-gawang mga kaso.

AB: Kaso laban sa pari at konsultant sa usapang pangkapayapaan sa Ozamiz City, ibinasura ng korte matapos ang 7 taon