Kaso laban sa Piston 6, ibinasura ng korte matapos ang 4 na taon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Makalipas ang halos apat na taon, ibinasura ng isang korte sa Caloocan City noong Abril 19 ang kaso laban sa anim na drayber ng dyip na kasapi ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston), kilala din bilang Piston 6. Inaresto ang mga drayber noong Hunyo 2, 2020 habang nagsasagawa ng protesta sa Caloocan City para igiit na muling makapasada noong panahon ng pandemya. Isang linggo silang nabimbin at pansamantala lamang nakalaya matapos makapagpyansa.

Kinatigan ng korte ang inihain na “demurrer to evidence” ng Piston 6 na nagdiin na walang sapat na batayan ang kasong “Simple Resistance and Disobedience to a Person in Authority” na isinampa sa kanila ng mga umarestong pulis. Kabilang sa mga ikinulong noon si Elmer Cordero, noo’y 72, at ang Deputy Secretary General ng Piston na si Ruben Baylon.

Inaresto ang Piston 6 dahil sa sinasabing paglabag sa “lockdown” na noo’y ipinatutupad sa Metro Manila. Dati nang iginiit ng Piston na isa lamang itong taktika ng panggigipit laban sa kanilang pakikibaka para sa pagbabalik-pasada dahil nag-obserba naman sila ng tamang distansya sa isa’t isa habang nagpuprotesta.

Matatandaang binatikos noong pandemya ng mga drayber ng dyip ang rehimeng US-Duterte sa pagbabawal sa kanila na bumyahe sa tabing ng “mga hakbanging” kaugnay ng pandemyang Covid-19. Higit na masahol, pinaburan pa sa panahong ito ang mga “modernong dyip.” Ginamit din itong taktika sa pagpapatupad ng bulok na programang Public Utility Vehicle Modernization Program at unti-unting pag-phase-out sa mga dyip. Nagresulta ito sa labis na pagkalugi at pagkalugmok ng mga drayber at opereytor.

Ayon sa Piston, ang pagbasura sa kaso laban sa mga drayber ay patunay na wasto ang pagkilos para sa kabuhayan at ang paglaban na manatiling namamasada ang mga dyip. “Lalo lamang nitong inilalantad ang walang habas na panunipil ng estado sa militanteng sama-samang pagkilos para pagtatanggol ng ating kabuhayan,” giit pa ng grupo.

AB: Kaso laban sa Piston 6, ibinasura ng korte matapos ang 4 na taon