Balita

Kaso ng panggigipit laban sa mga lider sa transportasyon at maralita, ipinababasura

,

Nagpiket ang mga demokratikong organisasyon sa harap ng Quezon City Hall of Justice noong Nobyembre 14 kasabay ng pagharap sa korte ng mga lider sa transportasyon at maralita na sinampahan ng kasong paglabag sa BP 880 o Public Assembly Act. Kinasuhan sila kaugnay sa tigil-pasada at martsa na isinagawa noong Agosto 14 laban sa makadayuhan at maka-negosyong Public Transport Modernization Program (PTMP, dating PUVMP).

Sinampahan ng nabanggit na kaso sina Mimi Doringo ng Kadamay, Mar Valbuena at Regie Manlapig ng Manibela, Mody Floranda at Ruben Baylon ng Piston. Ang BP 880 na naglalaman ng patakarang “No Permit, No Rally” ay mapanupil na batas na ipinasa sa ilalim ng diktadurang Marcos Sr.

Dati nang ipinahayag ng mga lider na dapat nang ibasura ang katulad na mga atrasadong batas na labag sa batayang karapatang-tao. Anila, walang permit na kailangan para isiwalat at labanan ang makadayuhan at negosyong programa ng modernisasyon.

“Nakababahalang makita kung paano ginagamit ng estado ang mga batas para gawing krimen ang pagtutol sa mga hindi maktarungang polisya ng pamahalaan,” pahayag ng Piston. Higit din umanong inilalantad ng kasong ito ang tunay na pasistang mukha ng rehimeng Marcos.

Sina Doringo, Floranda at Valbuena ay pawang mga kandidato sa pagkasenador sa darating na eleksyong 2025. Tatakbo sina Doringo at Floranda sa ilalim ng Koalisyong Makabayan habang si Valbuena ay independent.

AB: Kaso ng panggigipit laban sa mga lider sa transportasyon at maralita, ipinababasura