Kaso ng sapilitang pagkawala ng organisador ng manggagawa sa Davao, dinala sa ILC

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Dinala ng mga organisasyon ng paggawa sa Pilipinas ang kaso ng sapilitang pagkawala ni William Lariosa, beteranong organisador ng Kilusang Mayo Uno, sa International Labor Conference na kasalukuyang ginaganap sa Geneva, Switzerland. Isa ang Pilipinas sa pokus ng naturang kumperensya, matapos bumisita sa bansa ang mga kinatawan ng International Labor Organization (ILO) sa Pilipinas noong Enero 2023.

“Nagpatuloy ang mga paglabag sa karapatan sa paggawa at sa karapatang-tao matapos ang ILO High Level Tripartite Mission noong Enero 2023,” pahayag ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR), isa sa mga grupong nagsumite ng ulat sa ILC.

Diniinan ng CTUHR ang kaso ni Lariosa na dinukot ng mga elemento ng 48th IB noong Abril 10. Lahat ng pagsisikap ng pamilya at ng KMU para hanapin siya ay hindi lamang binabalewala ng militar, pinatitindi pa nito ang panggigipit at Red-tagging sa mga kasamahan ni Lariosa sa kilusang paggawa sa Davao.

Sa Davao City, ginunita ng mga kanyang mga tagasuporta at mga progresibong grupo ang ikalawang buwan ng kanyang pagkawala noong Hunyo 10. Nagpaskil sila ng mga poster na may mukha ni Lariosa at nananawagan sa publiko na ipagbigay-alam sa kanila kung mayroon anumang impormasyon na maaaring makatulong sa paghahanap sa beteranong organisador.

“Ang pagsisikap na ito ay para hingin ang suporta ng komunidad at palakain ang kakagyatan ng sitwasyon dahil sa kabila ng walang kapagurang pagsisikap ng kanyang pamilya at mga kasamahan, wala pa ring balita o palatandaan kung nasaan si Lariosa,” pahayag ng Anakbayan-Southern Mindanao, isa sa mga lumahok sa “Operasyon Dikit.”

AB: Kaso ng sapilitang pagkawala ng organisador ng manggagawa sa Davao, dinala sa ILC