Kasong "terrorism financing" sa unyonista sa Southern Tagalog, ibinasura

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Dulot ng kawalan ng ebidensya, ibinasura ng isang korte sa Batangas ang kasong “terrorism financing” noong Mayo 23 laban sa lider-unyonistang si Rhoel Alconera, ikalawang pangulo ng Unyon ng mga Panadero sa Gardenia Philippines-Olalia-KMU. Isinampa laban sa kanya ang kaso ng Department of Justice (DoJ), sa tulak ng 2nd ID at mga “saksi” nito, noong Marso.

Ibinatay ang kaso sa alegasyon ng mga “saksi” ng estado na nagpakilalang mga “rebel returnee.” Pahayag ng mga ito, si Alconera ay nagbigay ng P4 milyon at iba pang kagamitan sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong 2019. Mahigpit na itinanggi ni Alconera ang akusasyong ito.

“Si Alconera ay ilang taon nang nagtatanggol sa karapatan ng mga manggagawa para sa asosasyon at disenteng trabaho,” pahayag ng Defend Southern Tagalog. Siya ay nagtrabaho bilang kontraktwal sa maraming mga pagawaan at pabrika sa Laguna bago naging lider-unyonista sa Gardenia.

Ang ginamit na mga “rebel returnee” ng 2nd ID ay pawang mga manggagawa sa planta ng Coca-Cola sa Santa Rosa, Laguna. Kabilang dito si Albert Verzosa, ahente ng National Task Force-Elcac. Isinalaysay nila sa korte ang inihandang “iskrip” ng mga sundalo laban kay Alconera. Hindi ito pinaniwalaan ng korte.

Habang nasa proseso ng pagdinig ang kaso mula Marso hanggang Mayo, walang-tigil ang panggigipit at panghaharas ng militar kay Alconera. Paulit-ulit siyang tinugis, pati ang kanyang pamilya, ng militar para pilitin na “makipagtulungan” sa kanila. Binantaan pa siya ng mga ito na mayroon nang mandamyento de aresto laban sa kanya, gayong wala pang desisyon ang korte noon.

“Ang mga kasong ito laban kay Alconera, at iba pang nakikibaka para sa kalayaan sa asosasayon sa pormal o hindi pormal na paggawa, sa lahat ng mga linya ng industriya at adbokasiya, ay nagpapatunay lamang na pinalalawak ng administrasyong Marcos Jr ang ‘playbook’ nito, na lantad na ginagamit sa buong bansa,” ayon pa sa network.

Higit na tumindi ang ganitong panggigipit sa mga demokratikong samahan mula nang inilabas ng rehimeng Marcos ang National Security Plan 2023-2028. Lantad na nakasaad dito ang patakarang “palalakasin ang aksyon laban sa mga ligal na prente ng CPP-NPA-NDF para…putulin ang pinagmumulan ng pinansya.” Ang sinumang takdaan nitong may ugnayan sa rebolusyonaryong kilusan ay basta-basta at walang-batayang ginigipit.

AB: Kasong "terrorism financing" sa unyonista sa Southern Tagalog, ibinasura