Kasunduan sa pagsasapribado ng koop sa kuryente sa Bacolod, iniratsada

Sa kabila ng pagtutol ng mga konsyumer ng Central Negros Electric Cooperative (CENECO) at residente ng Bacolod City at kalapit na mga lugar, biglang nagpirmahan ng Joint Venture Agreement (JVA) ang maneydsment ng CENECO at Primelectric Holdings Inc na epektibong nagsasapribado sa kooperatiba ng kuryente. Isinagawa ang pagpirma sa kasunduan noong Hunyo 3.

Pinirmahan ang kasunduan ni Jojit Yap, presidente ng CENECO at ni Roel Castro, presidente ng Primelectric.

Ayon sa mga grupong tumututol, mistulang “isang magnanakaw sa gabi” ang ginawang pirmahan sa kasunduan dahil isinapubliko lamang ang anunsyo kaugnay nito noong gabing-gabi ng Hunyo 2.

Binatikos ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Negros ang hakbang na ito ng maneydsment ng CENECO at tinawag na taksil sa mga konsyumer dahil sa maaonamlyang iskema. “Kahiya-hiya sila sa lantarang pagbalewala sa interes ng mamamayang dapat nilang pinagsisilbihan,” giit ni Noli Rosales, tagapagsalita ng Bayan-Negros.

Noong inilunsad ang Annual General Membership Assembly (AGMA) ng CENECO noong Mayo 28, inulan ng kritisimo ang mga upisyal at maneydsment nito sa tangkang ilusot sa mga myembro nito ang JVA.

Noong Hunyo 24-25, at Hulyo 1-2 nakatakdang isasagawa ang plebisito para aprubahan ng mga kasapi ang kontrata. Pero ayon sa Bayan-Negros, “pormalisasyon” na lamang ito dahil wala namang isinagawang tunay na konsultasyon at makabuluhang dayalogo.

Nanawagan ang grupo para sa kagyat na pagpapabasura sa JVA at iginiit sa maneydsment ng CENECO na makinig sa kanilang mga konsyumer. “Hindi pa tapos ang laban. Mapagpasya ang boses ng mga konsyumer,” ayon kay Rosales.

Aniya, sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ay mapapanagot ng mga konsyumer ang board of directors at pamunuan ng CENECO sa pagtalikod nito sa interes ng mga konsyumer.

Matatandaan na noong Mayo 24 ay nagtipun-tipon sa Bacolod City ang hindi bababa sa 20 organisasyon ng iba’t ibang sektor para buuin ang isang koalisyon laban sa pribatisasyon ng CENECO. Pinirmahan ng mga ito ang isang manipesto na tumututol sa JVA.

Kabilang sa dumalo at pumaloob sa Anti-Ceneco-JVA Coalition ang Social Action Center ng Diocese of Bacolod, Ceneco Union of Rational Employees, Responsible Supervisory and Confidential Employees, Konsumers Negros, Bayan-Negros, Kadamay, Pamalakaya, at BMP-Sanlakas.

Ayon sa koalisyon, magreresulta lamang ang JVA sa dagdag na singil sa kuryente dahil ang pangunahing motibo ng MORE Power ay tiyakin ang return of investment of tubo nito. Sa tala ng koalisyon, ang singil sa kuryente ng CENECO ay nasa ₱1.0348 per kilowatt hour. Mahigit doble ang sisingilin ng MORE Power na ₱2.3226 per kwh.

Ang CENECO ay nagsusuplay ng kuryente sa hindi bababa sa 237,000 kabahayan sa mga syudad ng Bacolod, Bago, Talisay at Silay at sa mga bayan ng Murcia at Don Salvador Benedicto na may kabuuang 158 barangay.

AB: Kasunduan sa pagsasapribado ng koop sa kuryente sa Bacolod, iniratsada