Katutubong Manide, inaresto ng 85th IB sa Camarines Norte
Inaresto ng mga sundalo ng 85th IB si Allan Aragon, katutubong Manide, sa kanyang komunidad sa Barangay Cabatuhan, Labo, Camarines Norte noong Nobyembre 20. Hindi pa natutunton ng mga kaanak ang kinaroroonan ni Aragon hanggang sa kasalukuyan at hindi malinaw sa kanila ang dahilan ng pag-aresto ng militar sa kanya.
Sa araw ding iyon, walang patumanggang nagpaulan ng bala ang 85th IB sa barangay para maghasik ng takot sa mga residente at katutubong Manide. Pamalagiang target at biktima ang mga Manide ng intimidasyon, panliligalig at panggigipit ng militar dahil sa pagtindig para sa kanilang karapatan sa lupa at karapatang-tao.
Kabilang sa mga kasong ito ang karumal-dumal na pagpaslang ng 9th IB sa 17-anyos na si Arjie Salvador sa Sitio Sapang Bato, Barangay Canapawan, Labo noong Pebrero 2023. Nangunguha lamang ng pulot (honey) si Salvador na pambenta ngunit pinaputukan siya ng militar at pinalabas na nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan at 9th IB.
Sa ilalim ng rehimeng Marcos, umabot na sa 10 ang kaso ng sapilitang pagpapasuko at iligal na pag-aresto sa mga Manide. Mas malaki pa ang tunay na bilang dito laluna at maraming mga kaso ang hindi naitatala o naisasadokumento. Karaniwang ginagawa rin ng militar ang pagpapakalat ng mga litrato ng mga Manide na pinalalabas nitong “wanted” at may patong sa ulo. Sa matinding takot na hinahasik ng berdugong militar, napipilitang umalis at napapalayas ang pamayanan ng mga Manide.
Sa harap ng mga pag-atake sa mga Manide, nanawagan ang Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Camarines Norte (Armando Catapia Command) sa masang CamNorteño na ilantad at labanan ang mga karahasang militar sa pamamagitan ng pagtatambol nito sa mga radyo, pahayagan at social media. Mahalaga umano sa pagkakataong ito na magsama-sama at magkaisa para protektahan ang karapatan ng bawat isa.
“Lalo lamang sinisindihan ng mga atake ng pasistang sundalo ang pagnanais ng mga katutubo na lumaban para sa isang lipunan na rerespeto at mangangalaga sa kanilang karapatan at kagalingan. Ito ang apoy na nagpapalagablab sa kanilang pakikibaka para sa lupang ninuno at pagpapasya sa sarili,” pahayag ni Ka Carlito Cada, tagapagsalita ng BHB-Camarines Norte.