Kinaroroonan ng berdugong si Palparan, ipinasisiwalat ng mga ina ng dinukot na aktibista
Nagtungo sa Korte Suprema noong Hunyo 15 sina Erlinda Cadapan at Concepcion Empeño, kasama ang kanilang mga abugado, para hingin sa korte na isiwalat ang kinaroroonan ng dating heneral na si Jovito Palparan. Ang mga ina ng nawawalang mga aktibista na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño. Dinukot ang dalawang aktibista noong Hunyo 26, 2006 sa Hagonoy, Bulacan ng mga pwersang militar na noon ay nakapailalim sa kumand ni Palparan.
Nakakulong si dating Maj. Gen. Jovito Palparan sa parusang reclusion perpetua (habambuhay na pagkabilanggo) nang walang parole matapos mahatulan noong 2018 sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention kina Cadapan at Empeño.
Kinwestyon ng dalawang ina, kasama ang Karapatan, ang pagkawala ni Palparan mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City. Napag-alaman nilang wala na sa NBP si Palparan nang bumalik ang mga ipinadalang legal notice para sa kanya na may markang “transferred to BuCor-Baguio” at “PMA Baguio.” Pero ayon naman sa NBP, nasa “ospital” lamang si Palparan.
“Pinatitindi ng magkakasalungat na sagot ang hinala na binibigyan ng special treatment si Palparan,” ani JL Burgos, tagapagsalita ng grupong Desaparecidos, grupo ng mga kaanak at kaibigan ng mga sapilitang iniwala ng estado. Noong 2022, sa ilalim ng rehimeng Duterte, pinayagan ng BuCor ang SMNI na makapanayam si Palparan sa loob ng kulungan kung saan muli niyang ni-Red-tag at binigyang-katwiran ang pagdukot sa dalawang aktibista.
Binigyang diin din ni Burgos na ikinulong si Palparan sa minimum security compound sa halip na sa maximum security compound para sa mga nahatulan sa kahindik-hindik na mga krimen.
“Mas malala pa ang balitang si Palparan ay nasa Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio, na hindi naman pasilidad ng BuCor o isang ospital,” pahayag ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan. “Kung dinala nga siya roon, hinihingi namin ang paliwanag ng BuCor. Kinakailangan din siyang ibalik sa NBP maximum security compound kung saan siya nararapat,” aniya.
Layunin ng inihaing petisyon sa Korte Suprema ang “pilitin ang Bureau of Corrections (BuCor) na ibunyag ang kasalukuyang kinaroroonan ni Jovito Palparan.”