KMU, nakiisa sa mga manggagawang sisipain ng ABS-CBN
Nakiisa ang Kilusang Mayo Uno sa mga mangagawa ng higanteng network sa telebisyon na ABS-CBN na nanganganib mawalan ng kabuhayan. Humigit-kumulang 100 manggagawa ang nasa peligro na mawalan ng trabaho dahil sa pagbaba diumano ng kita mula sa mga patalastas ng network. Pagmamay-ari ang kumpanya ng pamilyang Lopez, isa sa pinakamalaking burgesya-kumprador sa bansa.
Napag-alaman ng mga manggagawa ang napipintong mawalakanag tanggalan nang isapubliko ng kumpanya ang pinakahuling kita nito. Sa kabila ng pagkakait ng Kongreso noong 2020 ng ekstensyon ng prangkisa ng network, tuluy-tuloy ang paglaki ng kita ng pamilyang Lopez, mula $230 milyon noong 2020 tungong $300 milyon noong 2023. Sa pangatlong kwarto lamang ngayong taon, umabot na sa $230 milyon ang kita ng pamilyang Lopez.
“Malinaw na patuloy ang paghuthot ng pamilyang Lopez ng yaman mula sa mga manggagawa nito, hindi lamang sa ABS-CBN kundi maging sa mga negosyo nito sa real estate at enerhiya,” pahayag ng KMU. “Kathang-isip ang sinasabi ng mga Lopez na pagkalugi lalupa’t tuluy-tuloy ang pagpapalaki nila ng kita mula sa mga manggagawa sa nakaraang mga taon.”
Ayon sa KMU, dapat tiyakin ng mga Lopez ang kabuhayan ng kanilang mga manggagawa at tuparin ang pangako nitong alternatibong hanapbuhay, kahit sa iba nitong negosyo. Dagdag dito, dapat may suporta ang ahensya sa paggawa ng estado sa mga manggagawang mawawalan ng trabaho.