Balita

Koalisyon ng mga bansa para mapanagot ang Zionistang Israel, itinatag

Itinayo ng siyam na bansa mula sa Africa, Asia at Latin American ang The Hague Group, isang koalisyon na may layuning maglunsad ng koordinadong kampanyang ligal laban sa iligal na okupasyon ng Zionistang estado ng Israel sa mga teritoryo ng Palestine, at para panagutin ito sa mga mga krimen sa digma sa Gaza.

Ginanap ang una nilang pagpupulong sa The Hague, The Netherlands noong Enero 31. Binubuo ang The Hague Group ng South Africa, Belize, Cuba, Namibia, Bolivia, Honduras, Senegal, Colombia at Malaysia.

Layunin ng grupo na itaguyod ang internasyunal na makataong batas at suportahan ang mamamayang Palestino sa kanilang laban para sa pagpapasya-sa-sarili at para sa isang independyenteng estado.

Sa pinag-isang pahayag, isinaad ng koalisyon na ginagabayan ito ng “mga layunin at prinsipyo ng charter ng United Nations, at ng tungkulin ng lahat ng bayan na itaguyod ang likas na mga karapatan, kabilang ang karapatan sa pagpapasya-sa-sarili ng lahat ng mamamayan.”

Tumatanggi ang koalisyon na “manatiling pasibo” sa harap ng mga internasyunal na krimen ng Israel sa harap ng winasak nitong mga buhay, kabuhayan, komunidad at kultural na pamana ng State of Palestine.

Itinataguyod ng koalisyon ang desisyon ng International Court of Justice sa kasong South Africa vs Israel na inilabas noong Disyembre 29, 2023 kung saan nakasaad ang lubos na pag-aalala sa nagaganap na krimen ng henosidyo sa Palestine, at iba pang kaugnay na desisyon ng korte sa 2024.

Itinataguyod din ito ang desisyon ng International Criminal Court na maglabas ng mandamyento de aresto laban sa mga upisyal ng Israel na sina Benjamin Netanyahu, prime minister ng Israel, at Yoav Gallant, dating ministro sa depensa, dahil may “rasonableng batayan” na mayroon silang kriminal na responsibilidad bilang mga sibilyang upisyal na nag-utos ng direktang pang-aatake sa sibilyang populasyon (ng Gaza). Tinukoy din ng korte na may batayan ang sakdal na responsable rin sina Netanyahe sa pagkakait ng pagkain bilang pamamaraan ng gera, at mga pagpatay, panggigipit, at iba pang di makataong akto.

Panawagan ng koalisyon sa lahat ng mga bansa na galangin ang mga resolusyon ng UN at ICC, laluna sa inilabas ng arrest warrant noong Nobyembre 21, 204. Hinimok nito ang lahat ng bansa na itigil ang pagbibigay ng armas, bala at iba pang gamit pandigma sa Israel. Nanawagan din sila na huwag pahintulutang dumaong sa kani-kanyang pantalan ang mga barko na nagdadala ng armas o panggatong (fuel) para sa Israel.

“Hinihimok namin ang lahat ng mga estado na gumawa ng lahat ng mga posibleng aksyon para wakasan ang okupasyon ng Israel sa Estado ng Palestine,” pahayag ng grupo.

AB: Koalisyon ng mga bansa para mapanagot ang Zionistang Israel, itinatag