Balita

Konektadong Pinoy Act, batas para sa liberalisasyon ng telekomunikasyon—CPU

Ganap nang naging batas ang Open Access in Data Transmission Act o tinaguriang Konektadong Pinoy Act noong Agosto 24. Layon ng batas na ienganyo ang mga kapitalista sa pagpapaunlad ng ‘data transmission infrastructure’ at pagtanggal ng sagka upang magkaroon diumano ng malayang kumpetisyon sa serbisyo para sa data transmission.

Sa harap nito, nagpahayag ng pagkabahala ang grupong Computer Professionals Union (CPU) sa mga probisyon at kabuuang balangkas ng batas. Anito, ang pagbubukas ng bansa sa industriya ng telekomunikasyon sa dayuhang kumpanya ay liberalisasyon sa naturang sektor.

Sa ilalim ng naturang batas, magiging mas madali at mabilis ang proseso para sa mga kumpanya sa telekomunikasyon na magnegosyo sa bansa. Hindi na kailangan dumaan ang mga kumpanya sa kongreso upang magkaroon ng prangkisa para makapag-opereyt.

Ang pagpapapasok ng dayuhan mga kumpanya ay lalong magpapalala sa ekonomiya ng bansa sa pangmatagalan, taliwas sa pangako na magpapababa ito diumano sa serbisyo sa data transmission, ayon sa grupo.

Anito, sa halip na gawing liberalisado at pribado ang sektor, dapat buwagin ang ‘oligopolyo’ sa telekomunkasyon at suportahan ang lokal na industriya at mamuhunan sa imprastruktura para sa transmission na pagmamay-ari ng estado. Dapat maging pangunahin prayoridad ng estado ang pagtugon sa pangangailang ng mamamayan sa halip namagkamal ng kita. Dapat gawin ito sa balangkas ng pambansang industriyalisasyon.

Sa kasalukuyan, nagkukumahog ang mga kumpanya sa telekomunikasyon tulad ng PLDT at Converge, at dayuhang kapitalista tulad ni Elon Musk ng Starlink na maging bahagi sa pagbubuo ng Implementing Rules and Regulations o IRR ng naturang batas, upang matiyak na mapuprotektahan ang kanilang interes.

“Habang sinusuportahan nating ang mga inisyatiba na tunay na tutugon sa kakulangan ng akses sa internet sa Pilipinas, dapat tayong maging mapagmatyag kung paano ito maglalagay sa bansa sa alanganin sa hinarapap,” paliwanag ng CPU.

“Nananawagan kami sa nga IT professional, mga organisasyon at mamamayan na tumindig laban sa nagpapatuloy na liberalisasyon at pribatisasyon ng mga serbisyo sa bansa,” dagdag ng grupo.

AB: Konektadong Pinoy Act, batas para sa liberalisasyon ng telekomunikasyon—CPU