Kontra-asunto laban sa mga pulis na sangkot sa pagpaslang sa beteranong organisador ng manggagawa, isinampa
Nagsampa ng kontra-asunto sa prosekyutor sa Taytay, Rizal ang Kilusang Mayo Uno (KMU) at mga lider nito noong Nobyembre 21 laban sa mga pulis na sangkot sa pagpaslang sa beteranong organisador ng manggagawa na si Jude Thaddeus Fernandez. Isinampa nila ang kasong pagpaslang, paglabag sa International Humanitarian Law at Anti-Torture Act, at pagtatanim ng ebidensya.
Ayon kay Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng KMU, sadyang inantala ang pagpuproseso ng inihain nilang mga papeles ng prosekyutor sa Taytay. Higit apat na oras silang pinaghintay ng mga ito. “Kahit sa proseso ng pagkamit ng hustisya, dinedelay pa rin,” pahayag ng lider-manggagawa.
Si Fernandez ay pinatay ng mga pulis sa kanyang tinutuluyang bahay sa Binangonan, Rizal noong Setyembre 29, 2023. Binaril siya at pinalabas na “nanlaban” habang hinahainan ng mandamyento de aresto. Pero ayon sa imbestigasyon ng mga manggagawa, dalawang putok lamang ng baril ang narinig ng mga kapitbahay sa araw na iyon. Wala ring anumang palatandaan na may “nanlaban” sa loob ng bahay na siniyasat ng fact-finding mission.
Naging aktibista siya noong 1975 habang mag-aaral siya sa UP-Los Baños. Kabilang siya sa mga nanguna sa kampanya para sa pagbabalik ng demokratikong sangguniang mag-aaral, ng malayang mga pahayagang pangkampus, representasyon ng mga mag-aaral sa UP Board of Regents at pagbabalik ng Philippine History and Institution sa kurikulum.
Kasama ang ibang kabataan mula sa unibersidad, sumanib si Ka Jude sa kilusan ng uring manggagawa at manggagawang bukid sa panahon ng batas militar. Tampok ang naging papel niya sa pag-oorganisa ng mga manggagawa ng Sunripe Dessicated Coconut Industry sa Magdalena, Laguna, na nanguna sa pagbabandila tunay, palaban at makabayang unyonismo at militanteng mga pakikibakang masa sa panahong iyon.