Kontra-migranteng karahasan sa UK, kinundena ng mga Pilipino
Kinundena ng mga migrante sa United Kingdom (UK) ang nagaganap na kontra-migranteng karahasan ng mga grupo at indibidwal na tinaguriang “ultra-Kanan.” Sumiklab ang pinakahuling insidente sa serye ng kontra-migranteng karahasan noong huling linggo ng Hulyo, matapos lumaganap ang huwad na balita na nangsaksak ang isang migrante ng tatlong kabataang babae.
Ginamit ng mga ultra-Kanang grupo ang insidenteng ito para ilunsad ang mararahas na aksyon na tumarget sa mga hotel at pasilidad kung saan tinitipon ng gubyerno ng UK ang mga asylum seeker (mga dayuhang ginigipit sa kani-kanilang bansa na sumusukob sa UK). Tinarget rin ang mga grupo ang mga moske at mga indibidwal na Muslim at iba pang etnikong grupo sa bansa. Ang karahasan ay kinatatangian ng mga rasistang panawagan, panggigipit at pagpapalayas sa mga migrante at karahasan laban sa mga pulis at sinumang hindi Puti.
Noong Agosto 2, naging target ng pang-aatakeng rasista ang dalawang Pilipinong nars na papunta sa kanilang pinapasukang ospital para sa gawaing emerhensiya. Binato ng mga rasistang indibidwal ang sinasakyan nilang taxi. Bagamat di nasaktan, labis ang takot na naramdaman ng dalawa. Dahil dito, nakaramdam na rin ng takot ang iba pang Pilipinong nars na lumabas o pumasok sa kanilang mga trabaho.
“Ang kamakailang… karahasan kontra-migrante sa UK ang kinahinatnan ng mga paglitaw ng mga gubyernong anti-migrante,” ayon sa Migrante International. “Paparami ang ultra-Kanan at kontra-migranteng mga gubyerno sa Europe, at kalakhan ng mga bansang Kanluranin. Ang mga gubyernong ito, tulad ng nasa UK, ang nanunulsol sa kultura ng rasistang pagkamuhi (hate) at diskriminasyon sa mga migrante. Ipinagkakait ng mga ito ang mga karapatan ng milyun-milyong migrante na mabuhay nang walang pagkamuhi at diskriminasyon.”
Panawagan ng Migrante International sa gubyerno ng Pilipinas, sa pamamagitan ng embahada at upisina nito sa London, na kagyat na magbigay ng serbisyong pang-emergency, ayuda at masusukuban para protektahan ang mga migranteng Pilipino sa UK.
“Mariin naming kinukundena ang rasismo, karahasan at galit na nakatuon sa mga propesyunal sa kalusugan habang papunta sila sa trabaho para magbigay ng emergency na healthcare,” ayon sa Filipino Senior Nurses Alliance UK. “Hindi lamang banta sa kaligtasan nila ang pang-aatake, banta rin ito sa sistemang pangkalusugan.”
Panawagan ng Migrante-UK ang kagyat na aksyon ng mga gubyerno ng UK at Pilipinas para papanagutin ang mga salarin sa pang-aatake at tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng mga Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho sa bansa.
“Nakikiisa kami sa ibang komunidad ng mga migrante sa pagkundena sa mga ultra-Kanan at kontra-migranteng mga atake,” ayon sa grupo sa isang pahayag noong Agosto 6. “Mahalaga para sa lahat ng mga bansa na magtulungan para labanan ang pagkamuhi at diskriminasyon, at itaguyod ang mga karapatan at dignidad ng bawat indibidwal, nang walang pagtatangi sa kanilang pinanggalingan.”