Kontrol sa presyo ng karneng baboy, iginigiit ng mga magbababoy sa Sorsogon
Bumabagsak ang antas ng pamumuhay sa Sorsogon dahil sa pagsirit sa mga presyo ng mga pangunahing bilihin at presyo ng mga yutilidad. Ito ay habang bumabagsak ang presyo ng mga produktong agrikultural sa prubinsya tulad ng niyog at palay. Dagdag pasanin pa ng mga hograiser ang kapabayaan at kawalan ng pakialam ng Department of Agriculture at ng lokal na pamahalaan ng Sorsogon.
Mahigit 700 baboy ang pinatay sa 11 barangay sa bayan ng Sta. Magdalena para apulain ang pagkalat ng African Swine Fever o ASF. Nasa 238 na nag-aalaga ng baboy ang apektado sa isinagawang culling (pagpatay sa nahawa at posibleng nahawang mga hayop) ng Provincial Veterinary Office at Department of Agriculture. Noong Setyembre 19 pa dineklara ang state of emergency sa naturang bayan dahil sa pagkalat ng ASF.
Nagtayo ang PNP ng mga tsekpoynt sa malalaking highway upang ipagbawal ang pagpasok at paglabas ng buhay na baboy mula sa lalawigan. Ipinagbawal maging prinosesong karneng baboy. Nagpatupad ng katulad na patakaran sa mga karatig bayan tulad ng Irosin at Bulan.
Sa mga palengke, bumagsak tungong ₱230 kada kilo ang baboy. Binibili ng mga komersyante ang buhay na baboy nang ₱100-120 kada kilo kung lampas 100 kilo ang bigat ng baboy. Para sa mas maliliit na baboy (60 kilo pababa), nasa ₱90 kada kilo lamang ang bilihan sa mga bayan ng Bulusan, Barcelona at Gubat, habang nasa ₱140 ang kilo ng buhay sa bayan ng Donsol at Pilar.
“Wala nang may gustong bumili sa mga piglet namin dahil mahal ang feeds (pakain) tapos ang baba ng presyo ng baboy kaya ayaw na mag-alaga ng iba. Di ko na alam gagawin ko. Sana may maitulong ang DA sa amin makabawi lang kami sa gastos, o kaya mapababa nila ang presyo ng feeds”, hinaing ni Maricel, isang hograiser sa Bulusan.
Wala ring ayuda ang DA sa mga hograiser sa prubinsya dahil ang pondo ay mas nakalaan para sa mga hograiser na saklaw ng culling. Hindi sapat ang ibinigay na mga bitamina at disinfection sa mga kalsada, ayon sa mga hograiser.
“Di biro ang puhunan na kailangan para mag-palaki ng baboy, tapos sasabihin lang sa amin ng DA dapat di kami nag-alaga ng maraming baboy,” ayon naman kay Edna, isang hograiser sa Gubat. “Kaya nga kami nag-alaga para may konting kita lalo na ang hirap ng buhay tapos wala silang maitulong sa amin? Buti kung hindi mahal ang bilihin.”
Kahit ang mga bayan na nasa dulo na ng prubinsya ay apektado rin ng pagbagsak ng presyo ng baboy. “(Nasa) ₱130 kada kilo ang buhay dito sa amin ngayon, ang lapit na namin sa Albay pero apektado kami ng nangyayari sa Sorsogon (Magdalena),” ayon naman kay Diane na taga-Donsol. “Binabarat na lang yata kami ng mga middlemen! Sana naman may gawin ang gubernador para kontrolin ang presyo ng baboy, maglabas siya ng guideline sa presyo para di kami binabarat ng ganito, ang mahal, mahal ng feeds!”
Namahagi na diumano ng tulong pinansyal ang lokal na pamahalaan ng Sta. Magdalena na umaabot sa ₱252,000: ₱12,000 para sa kada inahing baboy at ₱4,800 para sa bawat baboy na pinapalaki sa 14 na hograiser mula sa Brgy. San Roque. Ang ibang hograiser ng naturang bayan ay nilaanan ng ₱5,000. Pero hindi lamang ang Sta. Magdalena ang apektado sa pinsalang dala ng ASF. Bagamat hindi nahawaan ang mga baboy sa ibang bahagi ng Sorsogon, apektado ang mga hograisers sa pagbulusok ng presyo ng karneng baboy sa lokal na mga merkado.