Laban para sa pagkontrol ng presyo ng baboy sa Sorsogon, may inisyal na tagumpay

,

Nagkamit ng panimulang tagumpay ang mga lokal na magbababoy sa Sorsogon sa kanilang kahilingan na itaas ang presyo ng baboy sa kanilang munisipalidad. Ang kahilingang ito ay itinulak ng Rice, Vegetable and Livestock Farmers Organization of Irosin (RVLFOI) sa harap ng malawakang pagkalugi bunga ng nagtataasang presyo ng pakain.

Nitong Oktubre 18, inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang Resolution No. 092-22 o “Resolution Affirming the Buying Price and SRP of Hogs (live pork meat) within the municipality of Irosin”. Itinakda nito ang presyo ng pagbenta ng karneng baboy sa P260 kada kilo sa palengke, habang nasa P140-150 kada kilo ang buhay na baboy, at P80 kada kilo para sa pakal na baboy. Sa nakaraan, umaabot sa mahigit P300 kada kilo ang presyo ng baboy, habang kasimbaba lamang ng P90 kada kilo ang pagbili ng maliliit na buhay na baboy (mas mababa sa 100 kilo) sa mga magbababoy.

Mas mataas ang presyong itinakda ng lokal na gubyerno kumpara sa katabing bayan ng Juban at ng Sorsogon City na nasa P240-250 kada kilo ng baboy sa palengke at P130 kada kilo sa buhay na baboy.

Kung matataandaan, iniinda ng mga mambababoy sa probinsya ang pabagsak na presyo ng baboy sa ngayon taon na mas lumalala pa nang magdeklara ng state of emergency ang bayan ng Sta. Magdalena dahil sa Asian Swine Fever (ASF) na sumasalanta sa mga alagang baboy.

KAUGNAY NA BALITA: Kontrol sa presyo ng karneng baboy, iginigiit ng mga magbababoy sa Sorsogon

Simula pa lamang ang tagumpay na ito sa pangunahing panawagan ng mga mambababoy sa probinsya na pagkontrol sa presyo ng baboy habang nanatiling panawagan nila ang pagpapababa sa presyo ng feeds at dagdag na suporta ng lokal na gubyerno sa mga mambababoy.

AB: Laban para sa pagkontrol ng presyo ng baboy sa Sorsogon, may inisyal na tagumpay