Balita

Laban ng mga guro at bayan, muling itataguyod ng ACT Teachers sa eleksyong 2025

,

Ipinakilala ng ACT Teachers Party-list sa ginanap na pambansang kumbensyon nito noong Setyembre 26 ang mga kinatawan nito sa darating na eleksyong 2025. Tiniyak ng partido na itatampok at patuloy nitong itataguyod ang karapatan at kagalingan ng mga guro para sa dagdag-sweldo, pag-uunyon at iba pang isyu ng sektor sa halalan.

Dumalo sa pagtitipon ang mga balangay ng ACT Teachers mula sa iba’t ibang rehiyon at mga prubinsya. Naroon rin ang mga unyon ng Alliance of Concerned Teachers (ACT)-Philippines at mga edukador at mga tagasuporta mula sa mga pampubliko at pribadong eskwelahan at unibersidad.

Magsisilbing unang nominado ng partido si Antonio L. Tinio, isang beteranong tagapagtaguyod ng karapatan ng mga guro at tatlong beses na kinatawan ng ACT Teachers Party-list sa kongreso. “Patuloy nating itataguyod ang isang pambansa, siyentipiko at makamasang sistema ng edukasyon na naglilingkod sa interes ng bayan,” pahayag niya sa pagtitipon.

Ang retiradong guro naman mula sa Cotabato City na si Helene Dimaukom ang ikalawang nominado ng partido. Aniya, ikinagagalak niya ang pagkakahirang bilang ikalawang nominado ng partido at pagkakataong katawanin ang karanasan at interes ng mga guro mula sa Mindanao at malalayong eskwelahan. Samantala, si David Michael San Juan mula sa De La Salle University ang ikatlong nominado ng partido.

Ang ibang nominado ng partido ay sina Raymond Basilio na pangkalahatang kalihim ng ACT Philippines, Blesilda Mediran, Dyan Gumanao na biktima ng pagdukot at organisador ng mga guro sa Central visayas, Noli Anoos, Garry Devilles mula sa Ateneo de Manila University, Joyce Caubat mula sa University of Sto. Tomas, at isa sa mga nagtatag ng ACT Philippines na si Fabian Hallig.

Pormal ding idineklara ng ACT Teachers ang kanilang suporta sa 11 kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan. Kabilang sa mga kandidatong ito ang kasalukuyang kinatawan ng ACT Teachers Party-list sa kongreso na si Teacher France Castro. Si Castro ay naging kritikal na boses at katunggali ni Ferdinand Marcos Jr at Sara Duterte sa pagsisiwalat ng paggasta sa confidential and intelligence funds. Ilang ulit niya ring binatikos si Duterte sa mga anti-guro na mga patakaran nang nagsilbing kalihim sa Department of Education.

AB: Laban ng mga guro at bayan, muling itataguyod ng ACT Teachers sa eleksyong 2025