Libu-libong Pilipino, tinuligsa ang imperyalismong US sa araw ng huwad na kalayaan ng Pilipinas
Militanteng nagmartsa ang libu-libong Pilipino patungo sa embahada ng US sa Maynila noong Hunyo 12, ika-128 “Araw ng Kalayaan” ng Pilipinas, para tuligsain ang imperyalismong US. Sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), kinundena nila ang huwad na kalayaan laluna sa harap ng paparaming war games ng US, pagtatayo ng “Pax Silica hub” at pagdedeploy ng mga misayl, armas at mga base militar ng US sa loob ng bansa.
Hinarang ang bulto ng mga raliyista ng daan-daang pulis sa bahagi ng Kalaw Avenue at Maria Orosa St. Hinila at binaklas ng mga grupo ang barikada ng mga barbed wire. Naglunsad sila ng programa kung saan sila pinigilan ng pulis.
Sa Cavite, naglunsad ng programa ang Bayan-Cavite at Bayan-Southern Tagalog sa bayan ng Kawit, kung saan idineklara ang huwad na kalayaan noong 1898, at sa Bacoor City. Tatlong beses na tinangkang harangin at pigilan ng mga pulis ang delegasyon na lalahok sa pagkilos na nagtagal ng humigit kumulang dalawang oras. Binutas rin ng pinaghihinalaang elemento ng estado ang mga sasakyan ng mga delegado.
Nagkaroon din ng protesta ang mga lokal na balangay ng Bayan sa mga syudad ng Cebu, Iloilo at Davao.
“Huwad ang kalayaang tinatamasa ng mamamayang Pilipino hanggat kontrolado ng Imperyalistang US ang ating ekonomiya, pulitika, militar at kultura,” pahayag ng Bayan. Ayon sa grupo, hungkag ang tema ng rehimeng Marcos sa paggunita sa araw ng kalayaan na “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan” laluna at ibinebenta niya ang patrimonya ng bansa sa mga dayuhang mandarambong.
Anito, sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr ay lalong umigting ang pagpapakatuta ng gubyerno sa imperyalistang US. Inutil rin umano ang rehimen sa gitna ng krisis na bunga ng gerang agresyon ng US at Israel sa Iran at buong Middle East. Ipinagpapatuloy lamang ng rehimeng Marcos ang pagpapatupad ng mga neoliberal na mga patakaran katulad ng Oil Deregulation Law, EPIRA, paniningil ng value-added tax (VAT) at excise tax.
Nanawagan ang Bayan sa mamamayang Pilipino na bagtasin ang landas ng pagkakamit ng tunay na kalayaan at demokrasya. “Muli nating ipanawagan ang isang malayang patakarang panlabas, at hinihimok natin ang lahat ng Pilipinong nagmamahal sa kalayaan na matuto sa kasaysayan, parangalan ang ating mga bayani, at iligtas ang kinabukasan ng bansa sa pamamagitan ng pagpapatalsik sa lahat ng dayuhang base at tropa mula sa ating lupain,” anito.