Lider-manggagawang si Bong Labog, inendorso ng 1Sambayan
Upisyal nang inendorso ng 1Sambayan kahapon, Marso 18, ang kanditura ng lider-manggagawa at kandidato sa pagkasenador ng Koalisyong Makabayan na si Elmer Labog sa kanilang hanay para sa pambansang halalan sa Mayo 2022. Kasabay ang pag-aanunsyo ng isang taong anibersaryo ng 1Sambayan. Una nang inendorso ng grupo ang kapwa kandidato ng Makabayan na si Atty. Neri Colmenares.
Ang 1Sambayan ay itinatag noong 2021 para buklurin ang boses ng oposisyon laban sa pangkating Duterte at Marcos. Dala ng grupo si Leni Robredo at Kiko Pangilinan bilang mga kandidato pagkapresidente at bise presidente. Inendorso rin nito ang orihinal na anim na mga kandidato pagkasenador sa ilalim ng tambalahang Leni-Kiko.
Si Labog ay naging unyonista noong kasagsagan ng batas militar ng rehimeng US-Marcos. Naging lider siya ng unyon sa pinagtatrabahuan niyang hotel noong 1977. Kalaunan ay gumampan siya ng mga susing tungkulin sa mga pederasyon ng Kilusang Mayo Uno (KMU). Kasalukuyang tagapangulo si Labog ng KMU na kumakatawan sa ilampung libong manggagawa at kanilang mga unyon.
“Maraming salamat sa 1Sambayan sa inyong pagpili at pag-endorso. Ang suporta at tiwala niyo ay lalong magpapasidhi sa akin para ihatid ang makabayang pagbabago sa mamamayan,” ayon kay Labog.