Balita

Lider ng Piston sa Bicol, nakalaya matapos ang higit 4 taong pagkakulong

,

Nakalaya na mula sa higit apat na taong pagkakakulong ang lider ng Condor, panrehiyong balangay ng Piston sa Bicol, na si Ramon Rescovilla noong Disyembre 4. Ibinasura ng korte ang mga kasong illegal possession of firearm and explosives na isinampa laban sa kanya.

Si Rescovilla ay inaresto at ikinulong ng rehimeng Duterte noong Setyembre 7, 2020 sa Barangay Kilicao, Daraga, Albay. Ginamit sa kanya noon ang isang mandamyento de aresto para sa kasong pagpaslang. Nauna nang nakapagpyansa si Rescovilla noong Pebrero 9, 2023 para sa kasong iyon.

Gayunman, nanatili siya sa kulungan gamit ang tinatawag ng mga grupo sa karapatang tao na “itinanim na mga ebidensya” na baril at pampasabog. Ayon sa korte, ibinasura ang kaso dahil sa kabiguan ng prosekusyon na patunayan nang may katiyakan ang mga sinasabing nakumpiskang armas sa kanya.

Habang nasa piitan, tinurtyor ng mga pwersa ng estado si Rescovilla. Sa panayam ng alternatibong midya na Baretang Bikolnon, sinabi niyang handa siyang bumalik sa lansangan para lumaban kasama ang mga karaniwang drayber at opereytor ng dyip.

Isa si Rescovilla sa namuno at nanindigan laban sa unang bugso ng implementasyon ng makadayuhan at makanegosong jeepney phaseout.

AB: Lider ng Piston sa Bicol, nakalaya matapos ang higit 4 taong pagkakulong