Balita

Ligtas na pagpapabalik sa mga OFW mula Lebanon, iginiit sa piket-dayalogo sa DFA

,

Nagsagawa ng piket-dayalogo sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa Pasay City noong Oktubre 10 ang mga pamilya ng overseas Filipino worker (OFW) na nakabase sa Lebanon sa pangunguna ng Migrante International. Nanawagan sila sa ahensya na magharap ng komprehensibong plano para matugunan ang kagyat na apela para iligtas at tulungan ang mga migranteng Pilipino na naapektuhan ng agresyon ng US-Israel sa Lebanon.

Binatikos ng grupo ang mga pahayag ng DFA na “naninindigan pa rin” ang mga Pilipino sa Lebanon na manatili sa bansa sa kabila ng nangyayaring pag-atake ng Israel. “Sobrang lapit na ng mga bomba at sundalo ng Israel sa ating mga OFW sa Lebanon. Hihintayin pa ba ng DFA na may patayin ang US-Israel bago sila magpauwi ng mga kababayan?” ayon kay Josie Pingkihan, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Migrante International.

Nakatanggap din ng ulat ang grupo mula sa mga migrante na hindi sapat ang mga tauhan at walang-kakayahan ang Philippine Embassy at Migrant Workers Office (MWO) sa Beirut para tulungan ang mga Pilipino doon. Wala rin umanong natatanggap na napapanahong ulat ang mga Pilipino mula sa embahada kaugnay ng nangyayaring pag-atake.

Ipinahayag naman ng mga kaanak ng mga OFW ang kanilang takot sa pambobomba ng Israel sa Lebanon. Ikinuwento nila ang mismong karanasan ng mga OFW na nakakapulot ng mga polyetong ibinabagsak ng mga eroplanong Israeli na magkakaroon ng pambobomba sa kanilang komunidad na tinatrabahuan.

Ipinahayag ng lider-kababaihan at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan na si Liza Maza na hindi katanggap-tanggap ang patakaran ng DFA na ang mga OFW na may papeles lamang ang uunahing sasaklolohan. Hindi hawak ng karamihan sa mga OFW ang kanilang mga papeles dahil kifWnukuha ang mga ito ng kanilang mga amo.

Sinimulan ng US-Israel ang pinatinding atake sa Lebanon sa nagdaang mga linggo. Binomba nito ang katimugang bahagi at iba pang lugar sa Beirut, kabisera ng Lebanon, noong Setyembre 23-24. Tinarget nito ang mga residensyal na gusali at mga sibilyang komunidad. Binomba maging ang mga sasakyang sumasaklolo sa mga sibilyang tinamaan. Simula Oktubre 1, nagpadala ang Israel ng mga tropang pangkati para salakayin at sakupin ang Lebanon.

Hindi bababa sa 11,000 Pilipino ang nagtatrabaho sa Lebanon bilang mga migranteng manggagawa.

Nagpahayag ng pakikiisa sa laban ng mga migrante ang Bayan Muna Party-list. Ayon kay dating Congressman Ferdie Gaite, kailangan din ng pangmatagalang solusyon sa kakulangan ng trabaho sa Pilipinas upang hindi na malagay sa panganib ang mga Pilipino sa ibang bansa.

AB: Ligtas na pagpapabalik sa mga OFW mula Lebanon, iginiit sa piket-dayalogo sa DFA