Balita

Magkapatid na magsasaka, dinampot at pinagbububugbog ng 94th IB sa Himamaylan City

Hustisya ang panawagan ng mga kaanak at grupo sa karapatang-tao na September 21 Movement South Negros matapos ang iligal na detensyon at pambubugbog ng 94th IB sa dalawang magsasaka noong Marso 9, alas-7 ng gabi. Ayon sa ulat ng grupo, pinahinto at dinakip ng mga sundalo ng 94th IB si Alberto Piaduche at kanyang kapatid habang sakay ng motorsiklo sa Sityo Tuyuman, Barangay Caradio-an, Himamaylan City sa paratang na sila ay myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Papunta sa kanilang pinagtatrabahuan sa bayan ng Hinigaran ang magkapatid nang damputin ng mga sundalo. Dagdag ng September 21 Movement, sapilitang pinasakay sa isang pick-up truck ang magkapatid at dinala sa loob ng hedkwarters sa naturang barangay.

Habang nasa kustodiya ng 94th IB, pinilit si Piaduche ng mga sundalo na umamin na Pulang mandirigma ng BHB at na mayroong bumibistang mga armadong rebelde sa kanilang bahay. Nang itanggi niya ang paratang, sinakluban siya ng plastik sa ulo at saka pinagsisipa ng mga sundalo. Nagdulot ito ng labis na pinsala at pagdurugo sa kanyang mga mata.

Nasaksihan ng kapatid ni Piaduche ang brutalidad ng 94th IB sa kanyang kapatid habang pinaghihintay at pinaupo lamang sa loob ng pick-up truck. Pinauwi lamang sila bandang hatinggabi at pinagbanataan na huwag ipagsasabi at iuulat ang ginawa sa kanila kundi ay papatayin ang kanilang pamilya. Hindi pa nasapatan, niransak ng mga berdugo ng 94th IB ang bahay ng mga biktima sa Sityo San Juan.

Sa takot, nagdesisyon ang pamilya ni Piaduche na ipa-blotter ang insidente. Dinala rin nila sa duktor ang biktima para makapagpa-tsek-ap at inirekomenda ng doktor na sumailalim sa CT Scan ang biktima dahil sa tindi ng pambubugbog. Nanawagan ang pamilya sa lokal na gubyerno na imbestigahan ang brutal na krimen at tulungan ang kanilang kaanak na makakuha ng hustisya.

“Matagal nang ipinaiilalim ng militar ang mga sibilyan sa kanilang brutalidad. Ipinakikita nito ang kawalan nila ng awa at pagiging mga berdugo, para lamang pagtakpan ang kanilang mga kabiguan sa pagtugon sa insurhensya,” pahayag ng September 21 Movement. Hindi ito ang unang pagkakataon ng arbitraryo at walang-batayang pagparatang ng 94th IB sa mga sibilyang magsasaka bilang mga myembro ng BHB para bigyang katwiran ang kanilang mga krimen.

AB: Magkapatid na magsasaka, dinampot at pinagbububugbog ng 94th IB sa Himamaylan City