Maka-dayuhan at maka-kapitalistang kalihim ng DOLE, pinagbibitiw ng mga manggagawa

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nanawagan noong Hunyo 6 ang Kilusang Mayo Uno (KMU) para sa agarang pagbibitiw ni Bienvenido Laguesma bilang kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE). Tinawag ng grupo ni Laguesma bilang “tunay na alter-ego” ni Ferdinand Marcos Jr, na isang “tuta ng kapitalista, tuta ng dayuhan.”

“Sa tuwing may inaabante ang ating mga panawagan para sa sahod, trabaho, at karapatan, laging itinataguyod ni Laguesma ang pusisyon ng mga malalaking kapitalistang lokal at dayuhan,” ayon sa KMU.

Kabilang sa pagdadahilan ni Laguesma laban sa pagtaas ng sahod ang pananakot na lalo nitong pasisiritin ang presyo ng mga bilihin at singil sa serbisyo. Anang KMU, bukambibig ni Laguesma ang pangangailangang “balansehin” ang interes ng mga employer at manggagawa, pero ang totoo’y itinataguyod lamang niya ang pagtanggi ng mga kapitalista na magtaas ng sahod.

“Pinagbabangga pa niya ang mga manggagawa dahil magdudulot daw ito ng wage distortion, at malaking tanggalan,” ayon pa sa grupo.

Pabor din si Laguesma sa trabahong walang katiyakan, hindi regular at hindi kalidad basta makatabo ng kita ang mga dayuhang kapitalista, ayon sa grupo. Kakoro siya ng mga upisyal ng ekonomya ng estado para palabasing “bumubuti” ang kalagayan ng paggawa sa bansa, sa kabila ng milyun-milyong Pilipinong wala at kulang ng trabaho.

“Kinakatawan ni Laguesma ang mismong polisiya ng rehimeng US-Marcos sa paggawa—isang polisiyang nagtutulak ng mababang sahod, iregular at hindi kalidad na trabaho, at pagtapak sa karapatan ng mga manggagawa alang-alang sa dambuhalang tubo,” ayon sa KMU.

AB: Maka-dayuhan at maka-kapitalistang kalihim ng DOLE, pinagbibitiw ng mga manggagawa