Balita

Makabayan, naghapag ng "alternatibong programa" pamalit sa gubyernong Marcos-Duterte

Inihapag ng pampulitikang koalisyon na Makabayang Koalisyon ng Mamamayan (Makabayan) ang isang alternatibong programa na, anito, pamalit sa bulok na sistemang umiiral sa bansa. Sa harap ng tuluy-tuloy na pagkakalantad ng malawakang katiwaliang kinasasangkutan ng rehimeng Marcos-Duterte, inianunsyo ng koalisyon ang “Programa para sa Pambansang Demokrasya” sa isang pulong balitaan noong Nobyembre 22.

Ayon sa Makabayan, pinatutunayan ng laganap at talamak na korapsyon, at kawalan ng makabuluhang pananagutan ng mga nasasangkot, ang sukdulang kabulukan ng umiiral na sistema. “Ang mga institusyon ng gobyerno, mula Malakanyang, Kongreso at mga Korte ay pawang mga pugad ng korapsyon,” pahayag nito.

Dismayado ang koalisyon dahil, anito, ilang dekada nang pinagnanakawan at niloloko ang mamamayang Pilipino mula sa diktadurang Marcos noon hanggang sa rehimeng Marcos sa kasalukuyan. “Mula itaas hanggang ibaba, nagaganap ang sistematikong nakawan at walang tunay na nananagot,” ayon sa koalisyon.

Dahil dito, sinabi ng Makabayan na naghahanap ngayon ang mga Pilipino ng solusyon na hindi lang paimbabaw, hindi pansamantala, kundi malaliman at pangmatagalan. “Hindi na maaaring umasa pa sa mga pulitikong paulit-ulit na lang tayong pinagnanakawan at niloloko. Hindi Marcos, hindi Duterte o mga pulitikong tulad nila,” anang Makabayan.

Bilang alternatibo sa bulok na sistema at pulitika, inilatag ng koalisyon ang walong puntong programa na magtataguyod ng makabuluhang pagbabagong pang-ekonomiya at pampulitika. Ang programa ay naglalaman ng sumusunod:

  1. Kapangyarihan sa taumbayan! Ipaglaban ang gobyernong makabayan! Wakasan ang paghahari ng mga dayuhan at iilan, buwagin ang mga political dynasties at panagutin ang mga korap at nang-abuso sa pwesto. Buwagin ang pork barrel system at mga sanhi ng korapsyon sa gobyerno. Kamtin ang tunay na kapangyarihan ng taumbayan lalo na ang mga manggagawa magsasaka, maralita, katutubo, kabataan, kababaihan at iba pang inaapi.
  2. Ekonomiyang makabayan, wakasan ang kahirapan! Isulong ang pambansang pag-unlad na nakabatay sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Wakasan ang dayuhang dikta sa ekonomiya at unahin ang interes ng Pilipino. Buwagin ang pyudalismo sa kanayunan na batayan sa pag-iral ng mga political dynasties.
  3. Kagyat na ginhawa para sa taumbayan! Itaas ang sahod at sweldo para sa mga manggagawa at kawani. Ibasura ang mga labis na buwis na pabigat sa mamamayan. Gawing libre ang mga batayang serbisyo lalo na ang edukasyon at kalusugan. Gawing pag-aaring publiko ang kuryente, tubig, at transportasyon at paglingkurin ang mga ito para sa interes ng taumbayan.
  4. Ipaglaban ang pambansang soberanya! Itaguyod ang independyenteng patakarang panlabas at ibasura ang lahat ng hindi pantay na kasunduan sa mga dayuhan. Itaguyod ang diplomasya bilang instrumento ng paglutas ng sigalot. Wakasan ang presensya ng dayuhang base at tropa ng US. Itaguyod ang sovereign rights sa West Philippine Sea.
  5. Pangalagaan ang kalikasan! Itaguyod ang karapatan sa ligtas na kapaligiran, itigil ang mapanirang programa sa kalikasan, ibasura ang mga mapanira at makadayuhang batas sa kalikasan, at itaguyod ang batas na maka-kalikasan.
  6. Itaguyod ang karapatang pantao at kamtin ang makatarungang kapayapaan! Ipaglaban ang hustisya para sa lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Itaguyod ang karapatan ng mga Pambansang Minorya at mamamayang Moro. Buwagin ang mga instrumento ng human rights violations tulad ng NTF-ELCAC at Anti-Terror Law. Muling buksan at ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan.
  7. Isulong ang paglaya ng kababaihan at LGBTQ at ang laban kontra sa diskriminasyon, pagsasamantala at pang-aabuso.
  8. Itaguyod ang kultura’t edukasyong makabayan! Suportahan ang sining at kulturang naglilingkod sa taumbayan at pambansang paglaya. Isulong ang makabayan, siyentipiko at makamasang edukasyon bilang pambansang patakaran.

Ayon sa Makabayan, kailangang tuluy-tuloy na kumilos ng mamamayan para makamit ang kanilang pambansa at demokratikong mithiin. “Isang makabayang gobyerno, na bubuuin ng mga tunay na kinatawan ng taumbayan, ang maghahawan ng daan para sa makabuluhang pagbabagong pang-ekonomiya at pampulitika,” anito.

Ang anunsyo ng Makabayan ay isinagawa ilang araw makalipas manawagan ang iba’t ibang organisasyon sa pangunguna ng Bagong Alyansagng Makabayan (Bayan) ng pagpaaalis sa poder kina Marcos at Duterte. Itinutulak rin ng Bayan ang isang transition council bilang panghalili at pansamantalang pamamahala kung mapalalayas sa poder sina Marcos at Duterte. Liban sa Bayan, mayroon na ring ilang mga pwersang pampulitika ang sumusuporta sa pagbubuo ng transition council.

AB: Makabayan, naghapag ng "alternatibong programa" pamalit sa gubyernong Marcos-Duterte