Mamamahayag, cameraman, pinaslang ng Israel sa pag-atake sa Gaza
Napatay sa pambobomba ng Zionistang Israel sa Gaza Strip ang isang mamamahayag at isang cameraman ng Al Jazeera noong Hulyo 31. Kinilala ang mga biktima bilang sina Ismail al-Ghoul at kanyang cameraman na si Rami al-Rifi. Natamaan ng pambobomba ang kanilang sasakyan sa al-Shati refugee camp, sa kanluran ng Gaza City.
Matapos ang krimen, walang kaabog-abog na ipinahayag ng Zionistang Israel na “operatiba ng Hamas” si al-Ghoul para bigyang katwiran ang pagpatay. Gumawa pa ito ng gawa-gawang kwento na si al-Ghoul ay kabilang sa mga umatake sa Israel noong Oktubre 7, 2023. Mahigpit itong pinasinungalingan ng Al Jazeera.
Nakasuot ng mga “media vest” ang dalawang biktima at mayroong malinaw na tatak pang-midya ang kanilang sasakyang gamit para sa pagbabalita.
Ayon sa upisina sa midya ng gubyerno sa Gaza, sila ang ika-164 at ika-165 Palestinong mamamahayag na pinaslang ng Israel mula Oktubre 7, 2023. Sa impormasyon naman ng International Federation of Journalists (IFJ), sila ang ika-119 at ika-120 Palestinong mamamahayag na pinaslang.
Ang dalawang biktima ay papunta malapit sa al-Shati refugee camp kung saan matatagpuan ang bahay ni Ismail Haniyeh, punong-lider ng Hamas na nakabase sa Iran. Magbabalita sana sila at kukuha ng mga bidyo sa lugar na ito.
“Kinukundena ng network (Al Jazeera) ang mga akusasyon, nang walang kahit anong patunay, dokumentasyon man o bidyo, laban sa tagabalita nitong si Ismail Al-Ghoul,” pahayag ng network. Anang grupo, malinaw na “tinarget” ng Israel ang kanilang mga mamamahayag. Ipinahayag rin ng network na handa itong magsampa ng ligal na aksyon laban sa mga sangkot sa pagpaslang.
Simula pa Nobyembre 2023 ay nagtatrabaho na sa sa Al Jazeera si Al-Ghoul at ang kanyang tanging trabaho ay pagiging mamamahayag. Inaresto at idinetine na rin ng Israeli Defense Forces si Al-Ghoul, kasama ang marami pang sibilyan, sa Al-Shifa Hospital sa hilagang bahagi ng Gaza Strip noong Marso. Ikinulong sila ng 12 oras at ipinailalim sa pambubugbog at tortyur. Pawang kasinungalingan ang paratang ng Zionistang Israel laban sa kanya, ayon sa network.
Pinararatangan ng Zionistang gubyerno ng Israel ang Al-Jazeera bilang banta sa “pambansang seguridad” nito. Ipinasara nito ang upisina ng network sa bansa at pinagbawalan ang mga operasyon nito. Pangunahing dahilan ang pagpapasara ang kritikal na pagbabalita ng network laban sa kampanya ng pag-atake at henosidyo ng Israel sa Gaza.
Noong Agosto 4, hindi bababa sa 39,583 Palestino ang napatay kabilang ang 15,000 bata, 91,398 ang nasugatan at higit 10,000 nawawala mula nang patindihin ng Zionistang Israel ang kampanyang henosidyo nito laban sa Palestine.