Mamamayan ng US, naghahanda para labanan ang pasismo ni Trump sa susunod na 4 na taon
Idineklarang panalo sa eleksyong presidensyal sa US noong Nobyembre 2 si Donald Trump, kandidato ng partidong Republican. Tatayo siyang ika-47 presidente ng estado ng imperyalistang US sa susunod na apat na taon. Nakakuha siya ng 78 milyong boto (katumbas ng 312 boto sa mga Electoral College) sa kalaban niyang si Kamala Harris, ang nakaupong bise presidente at kandidato ng karibal na partidong Democrat, na nakakuha ng 68 milyong boto (katumbas lamang ng 226 lamang boto sa mga Electoral College). Dati nang naging presidente ng US si Trump noong 2016-2020.
“Naideklara nang panalo ng 2024 eleksyong presidensyal si Donald Trump matapos ang isang taong pagbabandera ng dalawang naghaharing partido ng United States ng mga pekeng na imperyalistang solusyon,” pahayag ng International League of People’s Struggles (ILPS)-US. Batid ng ILPS-US na lalong hihirap ang kalagayan ng mamamayang US sa susunod na apat na taon sa pagkapanalo ng “di mapasusubaliang kampyon ng monopolyong kapitalismo.” Nanawagan sila sa mamamayan ng US na samantalahin ang pagkakataon at maghanda para mag-organisa para bigwasan ang imperyalismo at lahat ng anyo ng reaksyon lalo’t tiyak ang paglala ng krisis ng imperyalismong US sa ilalim ni Trump.
“Dapat ilinaw na ang muling pagkahalal ni Trump ay di nangangahulugan ng pagbaling ng masang Amerikano tungo sa Kanan,” ayon sa grupo. “Sa halip, ipinakita nito ang tahasang kapalpakan ng mga Democrat sa ilalim ni Biden at Harris na magbigay ng tunay na mga solusyon sa mamamayan.”
Ayon sa grupo, pinangasiwaan ng mga Democrat sa pagsirit ng implasyon ng batayang mga pangangailangan, mga atake sa karapatang mag-organisa ng mga manggagawa, panggigipit sa mga kilusang masa sa loob ng US at pagtulak ng di matapos-tapos na mga gera sa labas ng US. Anito, malinaw na walang estratehiya si Harris lampas sa pagpapatuloy sa mga huwad na pangako ni Biden habang patuloy na itinataguyod ang interes ng mga oligarko at mga kumpanya sa armas na tumatabo ng kita mula sa mga gerang agresyon at proxy ng US.
Sa kabilang banda, kilala rin si Trump sa kanyang kontra-mamamayan ng mga patakaran at pagtataguyod sa interes ng pinakamayayamang kapitalista. Sa kampanya pa lamang, nangako siyang isagawa ang “pinamalawak na deportasyon sa kasaysayan” ng US. Bantog siya sa kanyang mga kontra-migrante, rasista at homophobic na mga pahayag at patakaran.
“Sa ilalim ni Trump, asahan nating higit na dadami ang mga atakeng kontra-mamamayan at lalong pagkonsentra ng kapangyarihan sa kamay ng iilang monopolyo kapitalista, partikular sa enerhiya, pinansya, real estate at sa industriya ng armas,” ayon sa grupo.
Wala silang nakikitang pagbabago sa kalagayan ng mamamayan sa US. Nakikinita nila ang lalo pang paglawak sa mga atake sa mga manggagawang Amerikano, habang itinutulak ni Trump ang ibayong pleksibilisasyon ng paggawa.
Sa kabila ng pangako ni Trump na “kapayapaan” at astang “kontra-gera,” hindi umaasa ang mamamayang Amerikano na magkakaroon ng pagbabago sa mga inilulunsad ngayong imperyalistang gera sa Europe at Middle East. Nangako pa siya ng maging mas agresibo laban sa China, sa kapinsalaan ng mamamayang Pilipino, Korean, Hawaian at iba pa.
“Sa pangkabuuan, nangangahulugan ito (pagkapanalo ni Trump) ng mas malalim na krisis sa ekonomya, kaguluhang pulitikal at dedlak sa sistemang lehislatiba, pagtindi ng panggigipit ng estado, mas pinalakas na pasistang kilusan na handang maghasik ng karahasan laban sa anti-imperyalista at demokratikong kilusang masa, at dagdag na agresyon sa buong mundo,” pahayag ng grupo.