Balita

Mga sibilyan, patay sa pambobomba ng AFP sa kampo ng MILF sa Lanao del Sur

, ,

Di bababa sa limang sibilyan ang napatay at marami ang nasugatan, kabilang ang di pa beripikadong bilang ng mga bata, sa walang patumanggang pambobomba ng Armed Forces of the Philippines noong madaling araw ng Marso 1. Ayon mismo sa AFP, 12 bomba ang magkakasunod na inihulog ng mga eroplanong pandigma nito sa pagitan ng alas-2 at alas-3 ng madaling araw. Tinamaan ng mga bomba ang isang kampo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF sa Barangay Runggayan, Maguing, Lanao del Sur.

Mariing pinabulaanan ng MILF ang kasinungalingan ng AFP na ang tinamaan ng mga bomba at nakasagupa ng kanilang mga tropa ay mga myembro ng Maute Group. Sa isang mensahe sa lokal na radyo, sinabi ng kumander ng MILF na hindi mga Maute ang tinarget ng mga bomba at operasyon kundi mga tauhan ng MILF. Aniya, pinasok ng mga sundalo ang kampo ng MILF kung saan tahimik nang naninirahan ang mga mandirigma nito at kanilang mga pamilya. Nagbabala siya na kung hindi umatras ang mga tropa ng militar ay sisiklab ulit ang kanilang paglaban. Iginiit niya na payagan ng militar na lumabas ang mga sibilyan, laluna ang mga bata at babae, sa Barangay Runggayan. Nanawagan din siya sa mga awtoridad sa BARMM na ipagtanggol ang mga Moro at kagyat na paatrasin ang militar.

Kahapon, inianunsyo ng mayor ng Maguing na ipatutupad ang isang tigil-putukan sa lugar alinsunod sa iginiit ng MILF. Nagbukas ito ng mga evacuation center para saluhin ang mga sibilyang napalayas dulot ng pambobomba.

Hanggang sa umaga ng Marso 2, patuloy pa ring nagsisinungaling ang AFP na ang pambobomba at ang laking-dibisyon na operasyon sa Maguing ay laban sa grupong Maute.


(Marso 1, 2022) Maraming sibilyan, kabilang ang mga bata, ang tinamaan at nasugatan sa walang patumanggang pambobomba ng eroplanong pandigma ng AFP sa Barangay Runggayan, Maguing, Lanao del Sur ngayong araw. Sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management ng Maguing kaninang alas-11 ng umaga, hindi pa maberipika ang bilang ng mga sugatan. Bineberipika rin na may mga residenteng namatay sa pambobomba. Iniulat din na “lahat ng mga bahay” sa barangay at nagtamo ng pinsala. Lahat ng mga daanan papunta sa barangay ay “di madaanan.”

Ayon sa inisyal na mga ulat, apat na FA-50 eroplanong pandigma at dalawang Supertucano na eroplanong pang-atake ang sunud-sunod na nagbagsak ng mga bomba sa lugar sa pagitan ng alas-2 at alas-3 ng umaga, Marso 1.

Iniulat ng mga residente na ginising sila ng malalakas na pagyanig ng lupa at pagsabog sa kanilang erya. Nagpatuloy maghapon ang mga pagsabog at putukan. Kasalukuyang nakapailalim sa absolutong kontrol ng militar ang lugar kung saan walang pinapayagang makalabas o makapasok. Ayon sa lokal na pamahalaan ng Maguing, apektado ng operasyon ang mga barangay ng Runggayan, Lalag, Kianodan, Bubong Bayabao, Bubong Maguing and Pilimoknan.

Alas-10 na ng umaga nang kumpirmahin ni Col. Ramon Zagala ng 103rd IBde ang kanilang operasyon. Palusot niya, “linilinis” diumano ng mga pambonbomba mula sa ere ang erya para sa mga “nakatanim na bomba.” Tinutugis diumano ng kanilang mga tropa ang mga tauhan ng Maute Group, na binansagan nitong bahagi ng Dawlah Islamiyah (DI) o ISIS.

Umani ang mga pambobomba ng pagkundena sa mga residente ng Maguing. Ayon sa isang post sa Facebook, walang mga kasapi ng ISIS doon at nangangamba silang ang hinulugan ng bomba ay isang kampo ng Moro Islamic Liberation Front na ngayon ay tinatauhan na ng mga sibilyan. Marami din ang nagpahayag ng duda sa intensyon ng sunud-sunod na kaguluhan sa lugar laluna’t nalalapit na ang halalan at ang Ramadan. May iba na inihalintulad ang pangyayari sa nangyaring Marawi siege na ang totoong layunin anila’y kontrolin ang Lanao at iba pang lugar ng mamamayang Moro.

Bandang alas-4 ng hapon, isang lalaki na nagpakilalang kumander ng MILF ang nanawagan sa AFP na kagyat na umatras sa lugar para mailabas nito ang mga babae at batang nakulong sa operasyon. “May mga namatay an sibilyan na hindi pa nailalabas sa pinangyarihan,” aniya. Nagbabala siya na “mapipilitan silang lumaban.”

Ang pambobomba ay mahigpit na kinundena ni Amirah Lidasan, mula sa grupong Suara Bangsamoro, at pangatlong nominado Bayan Muna Party. “Nakikiisa kami sa aming mga kapatid sa pagkundena sa paggamit ng AFP ng walang patumanggang pambobomba mula sa ere bilang bahagi ng mga operasyong pagtugis gayong alam nating lahat na ipinagbabawal ito sa mga internasyunal na makataong bata dahil hindi nito pinag-iiba ang sibilyan sa miltiar,” aniya. “Lagi’t laging iindahin ng mga sibilyan ang mga walang patumanggang atake sa mga komunidad, sa anyo ng sapilitang pagbabakwit at pagiging kaswalti.”

Panawagan ni Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas, dapat itigil na ang pambobomba ng AFP sa mga sibilyang komunidad. Liban sa pambobomba sa Maguing ngayong araw, nagkaroon din ng mga pambobomba sa mga sibilyang komunidad ng mga Mangyan sa Mindoro Occidental noong Pebrero 26 at sa Masbate noong Pebrero 21.

Kinundena rin ni Drieza Lininding ng Moro Consensus Group ang pambobomba. Kinwestyon niya kung lehitimo ba ang operasyon at kung mayroon nga bang pwersa sa erya na makakakumpirma sa presensya ng DI o ISIS bago sila naghulog ng bomba. Aniya, walang malinaw na mga protokol ang AFP sa mga pambobomba nito laluna malapit sa mga komunidad ng sibilyan. “Dapat ay ipinaalam muna sa komunidad ang operasyon,” aniya. Marami ang natakot at aniya’y dinig hanggang Marawi City at karatig bayan ang mga pagsabog.

Dagdag pa ni Lininding, marahil ay porma ito ng pananakot sa mamamayan ng Lanao del Sur, na nagpahayag ng matinding galit kaugnay ng pamamaslang kay Amer Hussien Tampi Domaub, estudyante ng Mindanao State University na pinatay malapit sa tsekpoynt ng militar sa Cabingan, MSU noong Pebrero 27.

Si Domaub ay inakusahan ng AFP na miyembro ng ISIS at tinaniman ng granada. Subalit ayon sa kanyang kaanak, pauwi pa lamang siya galing sa khalwat at ‘uzlah, o 40-araw na paglalakbay na taunang tradisyon ng mga lalaking Muslim nang siya ay harangin ng mga lasing na sundalo. Marami ang nakiisa sa panawagan ng kanyang pamilya na hustisya, kabilang na ang mga residente at mag-aaral ng MSU.

Sa pahayag naman ng mg upisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, mga kasapi ng BHB ang tinutugis ng militar at hindi mga ISIS.

Sa ngayon, nananatiling kulang na kulang ang mga ulat kaugnay sa mga pamilyang hindi nakalabas sa Barangay Runggayan.

AB: Mga sibilyan, patay sa pambobomba ng AFP sa kampo ng MILF sa Lanao del Sur