Marcos, inulan ng batikos sa tusong pagpirma sa Maharlika Bill

Tusong pinirmahan ni Ferdinand Marcos Jr kahapon, Hulyo 18, ang batas na nagtatatag sa Maharlika Investment Fund. Walang isinapublikong kopya ang Malacañang sa pinal na bersyon ng panukala, na ilang linggo pang “inayos” matapos ipinasa ito sa Senado at Kongreso. Ibig sabihin, inilingid sa publiko at maging ng mga kongresista kung ano ang nilaman ng pinirmahan ni Marcos. Malala, inamyendahan ang panukala sa pamamagitan ng “Viber,” isang messaging app.

“Bakit nila itinatago sa taumbayan ang panukala? After all (kung tutuusin) pera ng taumbayan yan,” pahayag ni Neri Colmenares, chairperson ng Bayan Muna. “Sabi nila magiging accesible at transparent ang impormasyon kung paano gagamitin ang P500 bilyong pampublikong pondo. (Pero) kung batas pa lang ay itinatago na nila, lalupa siguro kung mali na ang gamit nila sa (pondo.)”

Isa sa mga kontrobersyal na probisyon ng panukala ang paggamit ng pondong pensyon ng milyun-milyong manggagawa at kawani na nakalagak sa GSIS at SSS. Bagamat tahasang isinaad na hindi gagamitin ang mga pondong ito para itatag ang MIF, hindi nito ipinagbawal na maglagak ng pondo ang dalawang institusyon sa hinaharap.

Ipinagmamalaki ni Marcos na hindi siya uupo sa pamunuan ng itatayong Maharlika Investment Corporation (MIC) na mamamahala sa pondo para diumano hindi ito “mahaluan ng pulitika.” Pero ang totoo, lahat ng magiging upisyal nito, mula sa tatayong chairperson na kalihim sa pinansya, hanggang sa iba pa nitong upisyal, ay pawang hinirang o hihirangin ni Marcos.

Ayon kay Colmenares, naghahanda ang Bayan Muna na maghain ng petisyon sa Korte Suprema para pigilan ang batas at sagipin ang bilyun-bilyong pondo ng bayan mula sa korapsyon at abuso.

Isa pang grupo, ang Tama Na (Taumbayan Ayaw sa Maharlika Fund Network Alliance), ang naghahanda ng kaso laban dito. Anito, halos lahat ng mga grupo ng mga ekonomista na kumakatawan sa iba’t ibang pulitikal na tendensya, ay tutol sa MIF dahil wala itong sapat na pagtitiyak na kikita ang pera ng mamamayan at hindi ito dadambungin o gagamitin para paburan ang ilang korporasyon.

Kahapon, nagtungo sa tulay ng Mendiola malapit sa Malacañang ang mga grupo ng kabataan para kundenahin si Marcos. Nagsagawa ng hiwalay na protesta ang mga magsasaka sa Quezon City.

AB: Marcos, inulan ng batikos sa tusong pagpirma sa Maharlika Bill