Pang-aabuso ng asendero sa tubuhan, inireklamo sa Negros Occidental
Inireklamo ng 28 manggagawang-bukid sa Hacienda Lolita, Barangay Luna, Cadiz City, Negros Oriental ang pang-aabuso ng asenderong si Aurelio Gerardo Valderrama Jr. Pangulo si Valderamma ng Confederation of Sugar Producers Associations (CONFED), The Sugar Association (TSA), at ng VICMICO Planters Cooperative. Dati rin siyang upisyal ng Sugar Regulatory Adminstration (SRA).
Ayon sa mga manggagawang-bukid, napakababa ng pasahod at hindi patas na kalagayan sa paggawa sa Hacienda Lolita. Inihapag nila ang isang upisyal na reklamo sa Department of Labor and Employment at sumulat kay Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr kaugnay ng kanilang kalagayan.
Ang mga manggagawang-bukid sa asyenda ay tumatanggap lamang ng ₱2,500 kada dalawang linggo o katumbas na ₱250 arawang sahod. Wala ito sa kalahati ng ₱520 na itinakdang minimum na sahod ng gubyerno sa Negros Occidental para sa mga manggagawa sa agrikultura. Ipinagkakait rin sa kanila ang nararapat na 13th month pay, benepisyo, at 3% share sa Sugar Amelioration Bonus.
Matapos isiwalat ng mga manggagawang-bukid ang kanilang kalagayan, natulak ang Department of Agriculture, SRA, Department of Agrarian Reform at lokal na gubyerno na makipagdayalogo sa mga manggagawang bukid. Ginanap ito sa BAcolod City kasama ang mga abugado mula sa National Union of People’s Lawyers. Dumalo rin sa aktibidad ang kinatawan ng National Federation of Sugar Workers-Kilusang Mayo Uno para sumuporta sa mga magsasaka.
Liban sa kanilang kalagayan, ibinahagi ng mga magsasaka sa mga upisyal ng gubyerno na dumanas sila ng intimidasyon at iba pang porma ng pagbabanta matapos isiwalat ang pang-aabuso.
Samantala, agarang itinanggi ng asenderong si Valderrama ang mga akusasyon laban sa kanya. Kaagad namang sumuporta sa kanya ang mga tulad niyang asendero sa tubuhan kabilang ang lider ng National Federation of Sugarcane Planters (NFSP).
Nanawagan ng masusing imbestigasyon ang Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) sa kalagayan ng mga magsasaka sa Hacienda Lolita. Hiling ng grupo na isiwalat sa publiko ang magiging resulta ng imbestigasyon.