Proyektong reklamasyon at dredging sa bayan sa Batangas, tinututulan ng mga residente
Inirereklamo ng mga residente at mangingisda sa Sitio Kalawang, Barangay Sinisian West, Lemery, Batangas ang reklamasyon at dredging sa kanilang baybayin na isinasagawa ng kumpanyang Lemery Cement Silo Tank Corporation. Anila, isinagawa ang mga operasyon noong Hulyo 20-21. Dumating noong Hulyo 20 ang dalawang upisyal ng pulis para kausapin at kumbinsihin ang mga residente na sumang-ayon sa operasyon.
Ang kumpanya sa semento ay pag-aari ng COHACO Merchandising and Development Corporation ni Engr. Napoleon Co. Samantala, ang operasyong dreding at reklamasyon ay isinasagawa ng J.E. MANALO & CO., Incorporated (JEMCO).
Ayon sa Samahan ng Mangingisda sa Kalawang, pinigilan sila ng kumpanya na mangisda para bigyang-daan ang operasyon. Wala ring pahintulot na inalis ng kumpanya ang mga bangka sa pondohan.
Ibinahagi nila na walang makabuluhang konsultasyon ang kumpanya at lokal na gubyerno sa mga direktang apektadong komunidad at walang maipakitang permit para sa operasyon. Tinanggihan nila ang alok na ₱10,000 kumpensasyon na anila’y hindi sapat na kapalit ng kabuhayan, pagkain sa hapag, at kinabukasan ng mga pamilyang umaasa sa dagat. Kinwestyon rin nila ang nilalaman ng sinasabing Environmental Impact Assessment (EIA) na isinagawa sa komunidad.
“Napakalaking perwisyo sa kabuhayan ng mga mangingisda at pagsira sa kalikasan ang ginagawa ng Cement COHACO company. Dagdag pa rito ang malaking epekto sa klausugan ng mga residente na nakatira dito,” pahayag ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya)-Southern Tagalog. Anito, gumigising ang mga residente na maingay ang pabrika ng semento, maingay ang mga backhoe, at baka isang araw ay gumisin nang wala nang tirahan at kabuhayan.
Siningil ng Pamalakaya-Southern Tagalog ang mga ahensya ng gubyerno sa pagpapabaya nitong mapahamak ang mga residente at mangingisda sa ngalan ng kita ng kumpanya. “Huwag kayong magbingi-bingihan sa nangyayari sa mga kaliwa’t kanang pagsira sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan!” anito.
Nagpahayag ng suporta sa laban ng mga mangingisda ng Sityo Kalawang ang grupo ng kabataan na Anakbayan-Batangas at maka-kalikasang grupo na Kalikasan-Southern Tagalog.
“Matingkad na halimbawa ang pangyayaring ito ng isang huwad na kaunlarang nakasandig sa pagpapalayas sa mamamayan, pagsira sa kalikasan, at pagkakamal ng tubo ng iilang dambuhalang korporasyon,” ayon sa Anakbayan-Batangas. Dagdag nito, habang pinalalawak ng malalaking negosyo ang kanilang kontrol sa mga baybayin at yamang-dagat ay unti-unting inaagawan ng karapatan ang maliliit na mangingisda.
Sa harap ng banta ng kumpanya sa buhay at kabuhayan, nanindigan ang Pamalakaya-Southern Tagalog na nararapat lamang na mapagpasyang harapin ng mga mangingisda ang pagsira sa kanilang pondohan at pagbabawal sa kanila na mangisda sa sarili nilang babayin. Giit nito, dapat panagutin ang lahat ng sangkot sa pagsira sa kalikasan at kabuhayan.
“Ang pagtatanggol sa dagat ay pagtatanggol sa buhay. Ang pagtatanggol sa kabuhayan ng mga mangingisda ay pagtatanggol sa karapatan ng buong sambayanan,” pagsuporta ng Anakbayan-Batangas.