2 sibilyan, natamaan sa pamamaril ng lasing na sundalo sa Catbalogan City
Nasugatan ang dalawang sibilyan sa Purok 7, Barangay 13, Catbalogan City sa Samar sa pamamaril ng lasing na sundalo ng Alpha Company ng 43rd IB noong Hulyo 21 ng gabi. Ang mga biktima ay sina alyas Reymond, 19, na nadaplisan sa noo, at alyas Dulfo, 58, na tinamaan sa kanyang paa.
Ayon sa pahayag ng isang saksi, nagsimula ang pamamaril nang uminit ang ulo ng sundalo matapos siyang masabihang i-park nang maayos ang kanyang sasakyan. Iniulat rin ng kapitan ng barangay na bago lamang sa lugar ang namaril na sundalo.
Kinundena ng National Demcocratic Front (NDF)-Eastern Visayas ang karahasang militar. Ayon sa tagapagsalita nitong si Ka Celine Manlimbasog, hindi isang nahihiwalay na insidente ang pamamaril kundi padron ng mapang-abuso at pasistang katangian ng mga sundalo.
Katulad ito ng insidente noong Marso 2 kung saan namaril ang isa ring lasing na sundalong nakatalaga sa hedkwarters ng 8th ID sa Barangay Dalakit, Catarman, Northern Samar. Namatay sa pamamaril ang isang sibilyan at nasugatan ang isa pa.
“Ipinapakita ng mga insidenteng ito hindi lamang ang mapang-abusong katangian ng mga elemento ng 8th ID, kundi maging ang arogansya at pagiging sanay sa kawalang pananagutan ng reaksyunaryong hukbo,” pahayag ni Manlimbasog.
Dagdag niya, sa mga lugar na nakapakat ang mga yunit ng Retooled Community Support Program (RCSP) ng Armed Forces of the Phiilippines ay araw-araw na nararanasan ng masang magsasaka ang arogansya at kawalang pananagutan ng reaksyunaryong hukbo sa mga krimen nito. Pasimuno ang mga sundalo sa pagtutulak ng mga anti-sosyal na aktibidad tulad ng pagsusugal, pagdudroga, pangunguryente sa mga sapa at ilog, at pagsasamantala sa kababaihan, aniya.
Sa tala ng NDF-Eastern Visayas, hindi bababa sa 100 ang kaso ng pagpatay at tangkang pagpatay na naitala noong 2018-2025 kung saan sangkot ang mga sundalo ng 8th ID na nakabiktima ng 151 sibilyan. Kabilang sa mga biktima ay mga menor de edad, mga opisyal ng barangay at kababaihan.
“Ang karahasan, pang-aabuso, kawalang pananagutan ay sumasalamin sa pasistang katangian ng 8th ID,” pagdidiin ni Manlimbasog. Dagdag niya, nanunuot ang ganitong kultura sa kalakhan ng elemento nito at bilang isang istruktura at organisasyong nagsisibli sa mapagsamantalang naghaharing uri na kinakatawan ngayon ng rehimeng Marcos.