Balita

Marcos Jr, dapat managot sa nakatenggang imported na bigas sa pantalan sa Maynila

Pinanagot ng mga magsasaka ng Bantay Bigas at Amihan National Federation of Peasant Women si Ferdinand Marcos Jr sa nabunyag na nakatenggang 23 milyong kilong bigas sa pantalan ng Maynila. Ang naturang bigas ay mula sa Vietnam at pinaniniwalaang sadyang itinengga sa pantalan para panatilihing mataas ang presyo nito sa merkado. Mahigit 30 araw na itong hindi kinukuha ng mga may-aring negosyante. Tinatayang nagkakahalaga ang nakatenggang bigas ng mahigit ₱500 milyon.

Ayon kay Cathy Estavillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas at pangalawang nominado ng Gabriela Women’s Party, ang labis na pagsandig ng rehimeng Marcos sa importasyon at pagpapahina ng regulasyon ng gubyerno dito ang nagpapalala sa problema ng hoarding at ismagling sa bansa.

“Sa lahat ng ito, walang ibang dapat managot kundi si Marcos dahil sa promotor siya ng Rice Liberalization Law, Executive Order No. 62 at iba pa,” aniya.

Ayon sa grupo ni Estavillo, dapat nang itigil ang pag-iimport ng bigas dahil malinaw na nagsisilbi ito sa ibang adyenda at tanging mga negosyante lamang ang nakikinabang dito. Hindi naman nangyayari ang sinasabing kung magkakaroon ng maraming suplay ng bigas, bababa ang presyo sa merkado, aniya.

“Paulit-ulit ang panlilinlang ni Marcos at DA na mararamdaman ang epekto ng EO 62 sa Oktubre o Enero sa susunod na taon, samantalang liberalized nga ang rice industry o kontrolado ng mga malalaking panginoong maylupa at monopolyong trader-importer,” aniya.

“Sa karanasan, isinasabay ang paglalabas ng imported na bigas sa panahon ng anihan kung saan, babaratin ang presyo ng palay ng mga magsasaka,” banggit niya. “Kahit sinabi nilang may EO 62 at Rice Liberalization Law, hindi na nawawala ang hoarding dahil sa walang pangil ang gubyerno at patuloy ang pagpabor nila sa mga negosyante.”

Panawagan ng mga grupo ng magsasaka ang pagpapalakas ng lokal na produksyon. Kamakailan, nananawagan rin sila para sa kumpensasyon at subsidyo laluna sa mga prubinsyang sinalanta ng magkakasunod na bagyo.

AB: Marcos Jr, dapat managot sa nakatenggang imported na bigas sa pantalan sa Maynila